Friday, December 3, 2010

CODE OF ETHICS ORDINANCE PARA SA MGA PUV DRIVERS NG SORSOGON CITY, APRUBADO NA


Tagalog News

SORSOGON CITY – Positibo si City Councilor Victorino Daria III na di maglalaon ay maipapasa din sa Sangguniang Panlunsod ng Sorsogon ang Code of Ethics Ordinance na isinusulong niya para sa mga tricycle drivers na nag-ooperate sa kabisera ng syudad ng Sorsogon.

Ayon kay Daria, layunin ng nasabing Code of Ethics Ordinance na mabigyang kaalaman, matuto,madisiplina ang mga namamasadang drayber at maging presentable at magalang ang mga ito sa pagtrato ng mga pasahero ng sagayon ay maitaas  ang antas ng impresyon sa transportasyon ng mga bisitang napupunta sa Sorsogon City.

Matatandaang maraming reklamo na rin ang naipaabot sa tanggapan ni Daria ukol sa pagiging bastos at walang modo ng ilan sa mga drayber dito maliban pa sa ilang mga drayber na sobrang maningil, patuloy na paninigarilyo sa behikulo kahit bawal na ito, pagiging madungis at pamimili ng mga pasahero.

Kaugnay nito, isang Code of Ethics and Values Formation Seminar ang nakatakdang ganapin sa Disyembre 4-5, 2010 sa Provincial Gymnasium ng Sorsogon.

Habang ang 2nd phase naman ay gagawin sa Disyembre 18, 2010 sa magkaparehong lugar. Pangungunahan ang seminar ng mga kinatawan ng Bureau of Fire protection, provincial Disaster Risk Reduction and management Office at Philippine red Cross.

Maliban sa code of conduct ay nakatakda ring bigyan ng kaukulang impormasyon ang mga tsuper ukol sa tamang pagbibigay ng mga pangunang lunas sakaling may mga pasaherong nakakaranas ng discomfort o di kaya’y nagkakaroon ng mga aksidente sa daan. (Jun Tumalad, PIA Sorsogon)

MABILISANG PAGLILITIS SA MGA KASO NG BILANGGO SA SPJ IPINAG-UTOS

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Ipinag-utos ni Sorsogon Governor Raul Lee sa mga abogado at huwes dito ang mas mabilisang paglilitis sa mga kaso ng mga nakapiit sa Sorsogon Provincial Jail.

Ayon kay Provincial Jail Warden Major Josefina Lacdang, matapos ang pakikipagpulong niya kay Gov. Lee, tiniyak nito sa kanya na mas bibilis na ngayon ang paglilitis sa kaso ng mga bilanggo lalo’s nagbigay na rin ng direktiba ang gobernador sa mga abogado aat huwes na bigyang prayoridad ang kanilang mga kaso.

Ayon kay Lacdang hindi rin makatao at makatarungan sa isang tao na magdusa sa loob ng bilangguan ng lampas sa dapat sana’y hatol sa kanya kung nalitis agad ang kanilang kaso.

Sinabi din ni Lacdang na labingdalawang bilanggo din ang hindi maipagpatuloy ang paglilitis dahilan sa pagkakaroon nito ng diperensya sa pag-iisip sanhi ng mga pinagdadaanan nilang depresyon, subalit matapos ang mahigit isang buwang regular at maayos na medikasyon ay maaari na muling humarap sa hukuman ang mga ito.

Sa ngayon aniya ay mayroon na silang 326 na bilanggo kung saan 14 ang mga babae at 312 naman ang mga lalaki.

Lahat diumano ito ay mga detention prisoners, ibig sabihin on-going ang paglilitis sa kanilang kaso, habang ang mga nahatulan ay naipadala na lahat sa muntinlupa upang doon na nito tapusin ang kanilang hatol.

Kaso sa droga, murder at rape ang tatlong nagungunang kaso ng mga bilanggo habang pang-apat at panglima naman ang homicide at robbery.

Mga kaso sa droga at estafa naman ang karamihan sa mga kasong kinakaharap ng mga babaeng bilanggo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)                            


MT. BULUSAN UPDATES


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Patuloy na nananahinik ang Mt. Bulusan at bumababa ang bilang ng mga nairerehistrong volcanic quakes sa paligid ng nito.

Subalit ayon sa Phivolcs, kahit pa nga walang gaanong aktibidad ito nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang estado ng bulkan.

Mahigpit pa rin ang kanilang abiso sa publiko na bawal pumasok sa itinalagang 4-km Permanent Danger Zone.

Pananim na nabansot na dahilan sa abo. (PDRRMC
)
Samantala, inamin naman ng LGU-Irosin at Juban na nagsisimula nang umepekto sa mga pananim at hayop ang mga ibinugang abo ng Mt. Bulusan. Ayon sa mga magsasaka, nababansot na ang kanilang mga pananim habang ang ilan naman ay hindi na produktibo. May mga nangamamatay na ring mga alagang hayop doon.

Rekomendasyon naman ng Provincial Veterinary Office na obserbahan nila ang mga alagang hayop at agad na sumangguni sa kinauukulan sakaling may nakikita silang kakaibang galaw o pagkakasakit ng mga ito.

Tiniyak naman ng tanggapan ng Provincial Agrculture na handa sila at mayroon silang sapat na resources upang tulungan ang  mga apektadong sector. (BARecebido, PIA Sorsogon)

SWITCH-ON NG MAGAGARBONG ILAW AT FIREWORKS DISPLAY TAMPOK SA PAGBUBUKAS NG SOSOGON FESTIVAL 2010


Tagalog News
                                          
SORSOGON PROVINCE – Naging makulay at maliwanag ang naging pagbubukas ng Sosogon Festival ngayong taon.

Ilan sa mga nagging aktibidad sa pagbubukas nito noong Miyerkules, Dec. 1, ay ang oath-taking ng mga bagong halal na opisyal ng animnapu’t-apat na mga Barangay ng lungsod ng Sorsogon at ang musical bands sa pangunguna ng SSC marching band.

Nakadagdag din sa atraksyon ang ginawang pagpiprisinta sa media ng mga kandidata para sa Search for Miss Sosogon 2010.

Sinundan ito ng simultaneous switch-on of Christmas lights, lanterns at iba pang mga Christmas decors sa mga pangunahing kalsada at mga establisimyento dito sa lungsod.

Matapos ito ay agad na isasagawa ang nakamamanghang fireworks display sa Plaza Bonifacio.

Kabilang din sa mga aabangang aktibidad sa mga darating na araw kaugnay ng Sosogon festival ay ang Pili Day, Senior Citizen’s Day, Mocha Girls concert, showcase ng pinakang mga agricultural at fisheries products ng Sorsogon, iba’t-ibang mga competition kasama na ang search for Ms. Sosogon at ang Love Dog Day na pinangalanang “Si Amo naging Ako”.

Ang Sosogon Festival ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Disyembre kung saan naratipikahan at naging lungsod ang dating capital town ng lalawigan ng Sorsogon noong December 16, 2000. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)