Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 11 (PIA) – Simula Oktubre ngayong taon ay regular nang ipinatutupad ng Community Environment and Natural Resources (CENRO) ang National Greening Program na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon alinsunod sa nilagdaang Executive Order No. 26 ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Matatandaang sa direktiba ng Pangulong Aquino idineklara nito ang NGP bilang prayoridad na programa ng pamahalaan kung saan dapat na makapagtanim ng 1.5 bilyong puno sa 1.5 milyong ektarya ng lupa sa bansa pagdating ng 2016.
Ayon kay Community Environment and Natural Resources Officer-In-Charge Forester Crisanta Marlene P. Rodriguez, hanggang Disyembre ngayong taon ay target nilang mataniman ang 300 ektaryang lupain sa napili nilang mga lugar sa pitong mga bayan dito sa lalawigan.
Ang mga lugar na ito ay ang Lahug sa bayan ng Juban, Naburacan sa Matnog, San Roque at San Francisco sa Bulusan, Mapaso sa Irosin, Incarizan sa Magallanes at Lipata Saday sa bayan ng Bulan kung saan kabilang sa mga punong itatanim ay ang pili, narra, mahogany, gemelina at iba pang mga punong pangkagubatan.
Ginawa naman nilang NGP model site ang Brgy. Amomonting sa bayan ng Castilla dahilan sa malapit lamang ang lugar sa lungsod ng Sorsogon at mas marami din umanong mga manananim maliban pa sa mga residente ng barangay ang maari nilang imbitahang makilahok.
Ayon pa sa opisyal prayoridad nila ang mga lugar na ito dahilan sa pagkakakalbo na nito at sa dami din ng mga illegal na namumutol ng kahoy dito.
At upang matiyak umano ang paglaki ng mga puno ay nagkaroon ng pirmahan ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng CENRO at mga barangay para sa pagmantini at proteksyon ng mga itinanim na mga puno.
Binibigyan din nila umano ang mga manananim ng isanglibo’t dalawangdaang piso (P1,200) bawat ektarya bilang bayad para sa gagawing paghahanda sa lugar at sa mga gastusin sa pagtatanim. Ang nasabing bayad ay nagmumula sa pondong itinalaga ng CENRO para sa nasabing proyekto.
Samantala, target naman ngayong araw ng CENRO at partner local government units (LGUs) nito na makapagtanim dito sa Sorsogon ng 111,111 mga puno sa inisyatiba na rin ni Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias B. Ramos, Jr. bilang bahagi rin ng pagpapaigting pa ng NGP.
Mga bakawan ang itatanim sa mga bayan ng Gubat, Prieto Diaz at Barcelona habang mga puno naman ng pili, mahogany at iba pang mga namumungang puno ang itatanim sa mga bayan ng Bulan, Bulusan, Matnog at Juban. (PIA Sorsogon)