Friday, February 5, 2010

News Release

ORDINANSANG MAGPAPATUPAD NG EFFECTIVE SOLID WASTE MANAGEMENT ISINUSULONG

SORSOGON PROVINCE (February 3) – Isa sa mga naging resulta ng isinagawang review ng Republic Act 9003 o mas kilala bilang Solid Waste Management Act of 2000 ay ang pagsusulong ng isang ordinansang magtitibay at magsasakatuparan ng mga mekanismong makatutulong upang epektibong maipatupad ang sistematiko at komprehensibong pamamahala ng mga itinatapong basura.

Kaugnay nito, pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Provincial Board Member Arze Glipo, chair Committee on Agriculture and Fisheries ang pagsusulong ng isang ordinansang magmamaximize sa land use plan ng mga pamahalaang bayan at pamahalaang lungsod dito sa lalawigan.

Tampok sa isinusulong na provincial ordinance ang inter-local government unit cooperation, clustering mechanism at gender equality kaugnay ng solid waste management.

Ayon kay Glipo, iminungkahi ng Provincial Government sa pamamagitan ng Provincial Solid Waste Management Board ang clustering o pagsasama-sama ng mga munisipyo upang makapagpatayo ng sanitary landfill, material recovery facility, alternative technologies at iba pang mga kaugnay na pasilidad upang makaya ng mga ito ang malaking halagang gugugulin sa pagpapatayo ng mga ito.

Ipinaliwanag ni Glipo na apat na cluster ang iminumungkahi alinsunod sa geographical location at magkakatulad na pangangailangan sa solid waste management.

Kabilang sa Cluster 1 ang mga bayan ng Bulan, Irosin, Matnog at Sta. Magdalena; sa Cluster 2 ay ang mga bayan ng Castilla, Donsol at Pilar; sa Cluster 3 naman ang Casiguran, Juban at Sorsogon City habang sa Cluster 4 naman nakabilang ang Barcelona, Bulusan, Gubat at Prieto Diaz.

Sinabi ni Glipo na maliban sa clustering ay isaalang-alang din ang pangangailangan at pananaw ng mga kababaihan sa usapin ng solid waste management lalo na’t lahat ng gawaing kaugnay ng pag-unlad ay may gender impact at mahalagang mabiyayaan dito ng pantay ang lalaki at babae.

"Kung kaya’t dapat lamang na maunawaan ng mga waste managers ang tinatawag na gender relation upang makapagdisenyo sila ng isang gender sensitive solid waste program sapagkat mas malaki ang tsansa nito pagdating sa sustainability," pahayag pa ng opisyal.

Dagdag pa niya na malaki din ang maiaambag ng hakbang na ito sa pagbibigay solusyon sa suliranin sa Climate Change kung kaya’t umaasa siyang buong-buong susuportahan ito ng mga kasamahan niya at maging ng publiko. (Bennie A> Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment