Wednesday, February 10, 2010

Tagalog News Release

PARTYLIST CARAVAN ISINAGAWA, PNP CHECK-POINT MAS HINIGPITAN

SORSOGON PROVINCE (February 10) – Nagsagawa ng isang caravan ang mga partylist groups dito sa Sorsogon kahapon na nilahukan ng Bayan Muna, Anak-pawis, Gabriela, Act Teachers at Kabataan na nagsimula sa capitol grounds.

Ayon sa Makabayan coalition, ang caravan ay bahagi ng pagsisimula ng unang araw ng national campaign period.

Ang national campaign period ay itinalaga ng Comelec mula February 9 at magtatagal hanggang sa ika-walo ng Mayo kung saan maaari nang mangampanya ang mga kandidatong nagnanais maupo sa alinmang national positions mula pagkapangulo, pangalawang pangulo, senador at mga kongresista. Kasama rin sa maaari nang mangampanya ay ang mga partylist groups.

Mula capitol grounds ay tinahak ng mga ito ang daan patutungo sa ilang mga lugar sa lungsod upang doon magsagawa ng maiikling programa upang sa muli ay maipaunawa sa mga botante ang kanilang mga adhikain at plataporma.

Matapos ang pagbubukas ng unang araw ng national campaign period ay nagsimula na ring magkalat ang mga campaign posters at iba pang campaign paraphernalia ng mga tumatakbong kandidato sa national positions dito sa lungsod ng Sorsogon at maging sa ilang mga bayan sa lalawigan.

Kaugnay nito, muling inabisuhan ng Commission on Elections sa pamamagitan ni Sorsogon Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino ang mga kandidato at mga political leaders nito na sumunod sa mga itinakdang lugar na dapat lamang paglagyan ng campaign materials upang walang malalabag na Comelec rules na maaaring pag-ugatan ng pagkakadisqualify ng mga kandidato.

Dagdag din ni Aquino na nakatuon ang kanilang tanggapan ngayon sa pag-iikot sa mga barangay para sa kanilang votre’s education campaign.

Sinabi rin nitong walang dapat na ipag-alala ang mga botante lalo na sa mga barangay dahilan sa wala naman itong ibang gagawin kundi piliin ang kanilang mga kursunadang kandidato at kulayan lamang ang bilog na nasa tabi ng pangalan ng napili nilang kandidato.

Wala din aniyang gagawing hands-on operation sa PCOS machine ang mga botante kung kaya’t wala itong dapat na ikatakot o ikabahala.

Muli namang ginanyak ni Aquino ang mga mamamayan para sa malawakang partisipasyon sa darating na halalan sa Mayo dyes.

Samantala, mas pinaigting pa ng Philippine National Police ang kanilang check-point kaugnay ng pagbubukas ng national campaign period kahapon.

Sinabi ni Sorsogon Police Provincial Director SSupt. Heriberto Olitoquit na sa panahong sinimulan nila ang pagpapatupad ng Comelec check-point at gun ban hanggang sa pagbubukas ng national campaign period kahapon, ay wala silang naitatalang anumang untoward incidence kung kaya’t inihayag nitong hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling mapayapa ang lalawigan ng Sorsogon.

Kaugnay nito pinasalamatan niya ang kanyang mga tauhan sa maayos na pagpapatupad nito ng kanilang tungkulin pati na rin ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan na katuwang nila dito at maging ang mga mamamayan dahilan sa pakiisa nito upang maging matagumpay ang kanilang kampanya.(Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment