BEST HEALTH PRACTICES NG MGA LGU SA SORSOGON MULING KINILALA
SORSOGON PROVINCE (February 17) – Sa ikalawang pagkakataon muling kinilala ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang galing ng programa sa kalusugan ng mga municipal at city local government units dito sa lalawigan sa pamamagitan ng katatapos pa lamang na 2nd Annual Sulong Salud Sorsoganon Award.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Provincial Health Office, Center for Health Development ng Department of Health Region V at ng Lingap Para sa Kalusugan ng Sambayanan (LIKAS) naisakatupan ang pagkilala sa mga LGU na may natatanging programa, proyekto at husay sa pangangalaga sa kalusugan sa mga nasa hanay ng barangay, municipal, inter-local health zone at hospital level.
Ayon kay Dr. Gladys Escote, Formula1 Focal Person ng PHO - Technical Services department, sa walong inirekomendang lahok ng screening committee mula sa limang LGUs at isang Inter-Local Health Zone, anim ang nakasabay sa mga finalists.
Nakuha ng Barangay Health Worker’s Association Community Pharmacy ng bayan ng Sta. Magdalena ang unang gantimpala, pumangalawa naman ang programang “Sa Buntis na Handa at Ligtas, Pamilya’y May Maligayang Bukas” ng Rural Health Unit ng bayan ng Casiguran habang pumangatlo naman ang Animal Bite Treatment Center: Bringing Services Closer to the Community na proyekto ng Bulan, Irosin, Matnog at Sta. Magdalena o BIMS Inter-Local Health Zone.
Ang tatlong nanalo ay nakatanggap ng cash award at tropeo mula sa Sulong Salud Sorsoganon habang binigyan naman ng plake ng pagkilala ang mga napiling finalists.
Samantala, binigyan din ng 2nd Sulong Salud Sorsoganon Sustainability Award ang mga sumusunod: Casiguran Birthing Home, “Safe Pregnancy Towards a Healthy and Progressive Community” ng Bulan-RHU at ang “Barangay Health Station Padaba Ko, Kumpleto Records Ko” ng Sapnangan BHS sa bayan ng Bulusan. Ang tatlong mga programang ito ang siya ring nanalo sa 1st Sulong Salud Sorsoganon noong nakaraang taon.
Maliban sa tatlong ito ay nakuha rin ang sustainability award ng Networking Towards Alleviation of Suffering of Patient with Disability Associated with Lymphatic Filariasis ng Bulusan RHU, Irosin Controlled Dumpsite: Ecological Park ng Irosin RHU at ang Proficient Health Personnel Towards Quality Health Service Delivery ng Gubat, Prieto Diaz, Bulusan at Barcelona o GuPriBBar Inter-Local Health Zone.
"Sinimulan ang pagproseso at screening ng mga naging kalahok noong August 2009 na nagtagal hanggang sa formal selection of winners noong Disyembre nitong nakaraang taon at awarding nitong nakaraang February 11, 2010, kung saan naging bukas ito sa mga best health practices na hindi pa nakikilala o napaparangalan ng alinmang award giving body," pahayag pa ni Escote.
Kabilang sa criteria sa pagpili ng mga lahok ay ang pagiging people-centered ng proyekto, dapat na ito ay kayang-kayang gawin, sustenable o magtatagal at maaaring tularan ng ibang LGUs.
Ang Sulong Salud Sorsoganon Award ay isang gawad pagkilala at pagsasadokumento ng galing kalusugan ng mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment