Friday, February 19, 2010

Tagalog News Release

EARTHQUAKE DRILL MULING PUMUKAW SA KAHANDAAN NG PUBLIKO UKOL SA KALAMIDAD

SORSOGON PROVINCE (February 18) – Matagumpay at payapang naidaos ang isinagawang earthquake drill dito sa lalawigan ng Sorsogon partikular sa Sorsogon National High School kahapon, February 17, sa pangunguna ng Sorsogon City Bureau of Fire sa pakikipagtulungan nito sa Department of Education City Schools Division, Philippine Information Agency Sorsogon Information Office, LGU-Sorsogon City at Sorsogon Police Provincial Office.

Ang nasabing aktibidad ay bilang pakikiisa sa Simultaneous Nationwide Earthquake Drill ngayong first quarter ng 2010, kaugnay na rin ng direktibang ipinalabas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong June 26, 2006, na gawin ang earthquake drills quarterly kung saan lalahukan ito ng mga pampubliko at pribadong tanggapan at mga establisemyento kasama na ang mga paaralan, hanggang sa tuluyan nang mapukaw ang kamalayan at maisabuhay na ng publiko ang mga dapat gawin sa panahon at matapos ang aktwal na paglindol nang sa gayon ay maiwasan ang may masaktan o di kaya’y ang pagbubuwis ng buhay.

Kaugnay ng aktibidad na ito, ilang mga tagamasid ang nagbigay ng papuri at positibong reaksyon ukol dito sabay din ang paghahayag na muling napukaw ang kanilang kahandaan ukol sa pagdating ng mga kalamidad hindi lamang lindol kundi maging ng iba pang uri nito.

Sa insights na ibinigay ni PIA Sorsogon Infocenter Manager Irma Guhit binigyang-diin nito ang pagtama ng iba’t-ibang mga uri ng kalamidad nakinabibilangan ng mga natural at human induced calamities, kung kaya’t nararapat lamang ang ganitong uri ng aktibidad bilang paghahanda lalo na’t ang lindol ay kunsideradong unpredicted disaster sapagkat taliwas sa bagyo, tsunami at pagputok ng bulkan, wala pang instrumentong maaaring makatiyak kung kelan at saan tatama ang isang lindol.

Samantala, maliban sa earthquake drill ay isinabay na rin ng BFP Sorsogon City ang pagsasagawa ng fire drill sa kaparehong paaralan.

Ayon kay Sorsogon City Fire Marshall Renato B. Marcial, maaaring sabay-sabay ding tatama ang alinmang mga kalamidad kung kaya’t nararapat ding mabigyan ng kasanayan at paghahanda sa ganitong pagkakataon ang mga mag-aaral at ang publiko.

Ipinaliwanag din niyang inaasahan na rin ang pagkakaroon ng sunog kapag may malalakas na lindol lalo na kung may gumuguhong gusali.

Ang Sorsogon National High School ang napiling pagdausan ng ginawang earthquake at fire drill dahilan sa ito ang may pinakamalaking bilang ng populasyon ng mga mag-aaral sa buong lalawigan. (Bennie A. Recebido)

No comments:

Post a Comment