Ang mahabang tag-araw o hindi pag-ulan ay nangangahulugan ng tagtuyot. Maituturing din itong kaakibat ng global warming at climate change na ngayon ay nararanasan na sa ating bansa.
Ang paglobo ng bilang ng populasyon ay nangangahulugan din ng paglobo ng pangangailangan ng masaganang produksyon mula sa mga bukid at tumana.
Maraming mga tao ang kailangang kumain ngunit gawa ng pag-abuso sa pinagkukunan ng mga pagkain at pangangailangan, milyon-milyong mga Pilipino ang nahihirapan sa buhay at kinukulang sa pagkain.
Sa ngayon ay bumababa na ang level ng tubig sa mga dam, halos ay nauubos na rin ang tubig sa mga sapa at ang mga ilog naman ay polluted na. Nauubos na ang maaaring ipandilig sa mga tanim na gulay at palay. Padami na nang padami ang mga nabibitak na lupa. Nakakasama ito sa pagsusulong ng mga gawaing agrikultural.
Kaugnay nito, pinagtitipid ngayon ng pamahalaan ang mga Pilipino sa paggamit ng tubig sa pangambang magkakaroon ng kakapusan sa tubig sakaling magtagal ang tagtuyot o El Niño.
Sa mga bukirin, nagkalat na ang mga deep well na pinagkukunan ng tubig para sa mga palayan.
Noong una na kakaunti pa lamang ang deep well ay okey lang ngunit ngayong marami na ang mga posong ito ay humina na ang ibinubugang tubig nito dahilan sa nagkakaagawan na ang deep well sa water table, malapit nang masaturate ang tubig.
Ang kadalasang ugat ng alitan ng mga magsasaka ay dahilan sa nagahaharangan ng tubig sa ilog ang mga ito. Hinihitit naman ng bomba (water pump) ang tubig mula sa ilog, pampatubig sa second crop na palay kaya mabilis matuyo ang ilog at sapa.
Ang Pilipinas ay may dalawang klima, ang rainy o wet season at ang isa naman ay summer o dry season.
Kapag sobrang ulan, ito ay tinatawag na LaNiña na nagdudulot ng baha, landslide at river siltation.
El Niño naman kung sobrang tagtuyo kung saan nangamamatay ang mga pananim at hayop dahilan sa walang ulan at nangangatuyo din ang mga pinagkukunan ng suplay ng tubig. Nawawalan ng tulo ang mga deep well kaya apektado din ang suplay ng pagkain at tubig na pangunahing pangangailangan ng mga tao.
Hindi pwede ang cloud seeding kapag walang ulap, kaya’t upang huwag magtagal ang El Niño phenomenon, dapat na patuloy tayong magtanim ng mga punong-kahoy sa gulod at mga kabundukan.
Kapag marami ang mga puno sa kabundukan, naiiwasan ang mga pagbaha at malalakas na pinsala dala ng mga bagyo. Wala din ang mahahabang tag-araw at global warming.
Nagiging balance din ang klima at nagkakaroon tayo ng balanced eco-system.
Dapat ding igalang at patuloy nating pangalagaan at protektahan ang ating kalikasan.
Kinakailangan ding balikan natin ang mga organikong pagkain na mas mababa ang idinudulot na pinsala sa ating kapaligiran.
At kung talagang nilalayon mong makatulong sa ating kababayan, dapat ding pag-aralan mo ito, ituro sa nakararami at isabuhay ang mga natutunan mong hakbang upang maiwasan ang higit pang paglala ng sitwasyon ng ating kapaligiran. (Padala ng isang nagmamalasakit sa kalikasan na ayaw magpakilala via email at pia_sorsogon@yahoo.com)
No comments:
Post a Comment