Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (March 11) – Umaabot na sa kabuuang isangdaan animnapu ang bilang ng mga butanding (whaleshark) na makikita ngayon sa bayan ng Donsol dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Ito ang ipinahayag ni Allan Amanse, pangulo ng Butanding Interaction Officers Association matapos nilang maitala ang pinakahuling bilang ng butanding na nilagyan nila ng tag.
Ayon kay Amanse, nilalagyan nila ng number tag ang bawat mapadakong butanding sa kanilang karagatan at umabot na nga sa bilang na ito ang nalagyan na nila, nito lamang huling lingo ng Pebrero.
“Tiyak na dadagdag pa ang bilang ng mga makikita naming butanding sa Donsol Bay ngayong buwan ng Marso sapagkat ito ang kinukunsidera naming pinakapeak season ng butanding sightings,” ayon pa sa kanya.
Sinabi din ni Amante na lubhang pambihira ang paglabas ng ganitong dami ng bilang ng mga whalesharks dito sa Donsol kung saan malapit nang umabot ito sa dalawangdaan, at kahit nagsisimula pa lamang ang summer season ay dinadagsa na ng mga turistang lokal at dayuhan ang aming bayan,” ayon pa kay Amanse.
Sa patuloy na pagdami ng mga makikitang butanding sa Donsol, ang tinaguriang ‘Whaleshark Capital of the World’, lubos ang kanilang paniniwala na tiyak na masusulit ang pagod ng sinumang turistang dadayo sa kanilang lugar.
Tiniyak din niyang makakaranas din ng kakaibang excitement ang mga turistang hindi maaaring lumangoy sapagkat mayroon din silang transparent boat kung saan maaari nilang makita ang butanding sa ilalim ng dagat nang hindi na kailangang sumisid pa.
Ang maraming bilang ng mga butanding ay nagsisimulang makita sa karagatan ng Donsol mula buwan ng Disyembre hanggang sa buwan ng Mayo. Mangilan-ilan na lamang ang mga butanding na makikita sa mga buwan ng Hunyo hanggang Nombyembre.
Maliban sa Butanding Interaction, marami pa ang maaring maranasan at gawin ng mga turista sa Donsol tulad ng Firefly Watching at ang community tourism na pinangungunahan ng Girawan Association of Farmers for Responsible Tourism o GAFort na nagpapakita sa mga turista kung papaanong mamuhay ang kanilang komunidad partikular ang paraan ng kanilang paghahanapbuhay mula sa mga pangunahin nilang pinagkakakitaang cacao, pili at niyog.
Mayroon ding mga historical marks na maaaring bisitahin ang mga turista tulad ng 300-step Grotto Chapel sa Brgy. San Antonio at ang Catundolan rock and coral formation kung saan nandito ang pinakamalalim na bahagi ng karagatan ng Donsol at ang may pinakamaraming bilang ng mga butanding na makikita. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment