SORSOGANON PINAGHANDAAN ANG POSIBILIDAD NG PAGTAMA NG TSUNAMI
SORSOGON PROVINCE (March 1) – Halos ay dalawang araw ding naging alerto ang mga Sorsoganon partikular ang mga nakatira malalapit sa baybaying dagat kaugnay ng ipinalabas na tsunami alert ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology noong nakaraang Sabado ng gabi.
Matatandaang nagpalabas ang Phivolcs ng tsunami alert sa halos ay labingsiyam na mga lalawigan sa buong bansa na nakaharap sa Pacific Coast kung saan kabilang dito ang lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay LJG Ronnie Ong ng Coast Guard Sorsogon City Station, una na nilang sinuspindi ang byahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat bandang alas dyes ng umaga kahapon, kung saan umabot din sa animnapu’t tatlo ang mga nastranded na pasahero sa tatlong malalaking pantalan sa lalawigan. Walang naitalang standed na mga sasakyan sa ulat na ito ng Coastguard Sorsogon.
Ilang mga residente din sa Brgy. Caricaran sa Bacon District, Sorsogon City ang nakaobserba sa pagtaas ng tubig sa kanilang lugar na nakabahala sa kanila lalo pa’t nabalitaan na rin nila ang magnitude 8.8 na lindol sa bansang Chile.
“Kahit pa nga hindi rin namin naiwasang magpanic ay hindi na rin kami nag-atubili pang lumikas matapos naming marinig na itinaas na sa alert level 2 ng Phivolcs ang tsunami warning,” pahayag ng ilang residente sa mga kostal na lugar dito.
Naging aktibo rin sa pagsubaybay ang mga Barangay Disaster Coordinating Councils sa mga apektadong lugar at maging ang Philippine Army at Philippine National Police matapos na magbigay ng kautusan si Sorsogon Gov. Sally Lee sa Provincial Disaster Coordinating Council na palikasin ang mga residenteng nasa mga kostal na lugar.
Kabilang sa mga nagsilikas ay ang ilang mga residente sa halos limang barangay sa bayan ng Gubat at maging sa ilang barangay sa distrito ng Bacon sa lungsod ng Sorsogon, Pto. Diaz, Barcelona, Bulusan at STa. Magdalena patutungo sa mga designadong matataas at ligtas na lugar bago mag-ala-una ng hapon kahapon.
Maging ang mga dayong naliligo sa Bacon beach at Rizal beach ay agad ding sumunod matapos na ipag-utos ng kani-kanilang mga disaster coordinating councils ang paglilikas dito.
Bandang mga alas tres y medya ng hapon ay nagsimula na ring magsibalik ang mga ito sa kanilang mga bahay matapos na mapakinggan ang pahayag ni Phivolcs Director Renato Solidum na inaalis na ang tsunami alert sa bansa.
Alas sais naman ng hapon kahapon nang alisin ng Coast Guard ang suspension sa mga sasakyang pandagat at payagan na itong tuluyan nang makalayag at maisanormal ang kanilang operasyon.
Subalit sa bayan ng Gubat, ilang mga residente din mula sa barangay Cota na Daco, Balud del Sur, Balud del Norte, Panganiban at Rizal ang nanatili at nagpalipas ng gabi sa kanilang pinaglikasan dahilan na rin sa halos kalahating metrong pagtaas ng tubig sa kanilang tinitirhang lugar.
Nilinaw naman ng PDCC na maliban sa nakaambang tsunami, nakadagdag din ang high tide kahapon sa naging abnormalidad ng karagatan sa ilang lugar na nasa may dagat Pasipiko.
Pitong mga bayan sa Sorsogon ang nakaharap sa Pacific Coast na kinabibilangan ng Pto. Diaz, Bacon District sa Sorsogon City, Barcelona, Bulusan, Gubat, Matnog at Sta. Magdalena. Aabot naman sa mahigit kumulang walumpo ang bilang ng mga kostal na barangay dito na maaaring naapektuhan sakaling nagkaroon nga ng malakas na tsunami nitong nakaraang weekend. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment