Monday, March 8, 2010

Tagalog News Release

BFP IROSIN MAHIGPIT ANG BABALA SA PUBLIKO NGAYONG MAY EL NIÑO

SORSOGON PROVINCE (March 8) – Higit na pinag-iingat ngayon ng Bureau of Fire Protection ang publiko sa posibilidad ng pagkakaroon ng mas mataas na bilang ng sunog lalo pa’t nasa panahon ngayon ng El Niño.

Sa pagsisimula ng selebrasyon ng Fire Prevention Month na taunang programa ng Bureau of Fire Protection mula Marso a-uno hanggang sa huling araw ng buwan, nag-ikot ang mga tauhan ng Irosin Fire Station sa pangunguna ni Senior Inspector Jose B. Fullon sa bisinidad ng Irosin.

Layunin ng kanilang pag-iikot na inspeksyunin ang mga commercial establishment at makisalamuha na rin sa publiko.

Ayon kay Fullon, matapos ang kanilang pag-iikot sa mga commercial establishments, nakipag-usap din sila sa mga residente upang personal na maipaabot nila sa mga ito ang mahahalagang impormasyong may kaugnayan sa sunog at iba pang mga alerto tips na dapat malaman ng publiko.

Ipinaliwanag ng mga bumbero ng Irosin Fire Station sa mga residente kung ano ang El Niño at ang kaugnayan nito posibilidad ng pagtaas ng mga insidente ng sunog sa panahong mayroon nito.

Sinabi naman ni Senior Fire Officer Noel Bañares, chief for operations at PIO ng BFP Irosin na mas maiiwasan ang mga sakuna na dala ng mapaminsalang sunog kung laging handa ang mga mamamayan.

Dagdag pa ni Bañares na maliban sa nasimulan na nilang ugnayan sa Barangay ay magsasagawa din sila ng mga panawagan upang patuloy na mapaalalahanan ang mga residente.

Naniniwala din siya na ang firemen visibility at interaction sa komunidad ay nagsisilbi ding paalala sa mga residente na dapat na maging handa laban sa mga sakuna partikular sa sunog. (Bennie A. Recebido)

No comments:

Post a Comment