News release
SORSOGON PROVINCE (April 27) – Kahit pa nga hindi naman gaanong tinamaan ng El Niño ang lalawigan ng Sorsogon, patuloy pa ring hinihikayat ng tanggapan ng Provincial Agriculturist ang mga magsasaka dito partikular ng palay at mais na pag-aralan at sundin ang sistemang quick turn-around o tanim-agad.
Ayon kay Provincial Agriculturist David Gillego, dapat na matutunan ng mga magsasaka ang maagang pagtatanim upang makaani sa mga buwan ng Enero hanggang unang bahagi ng Marso ng palay at bandang Abril o Mayo naman kung ito ay mais.
"Dapat na ipagpasalamat ng mga magsasaka dito na hindi naging grabe ang epekto ng El Niño sa lalawigan, subalit hindi ito nangangahulugang magiging pabaya na bagkus ay dapat paghandaan ang mga darating na panahon. Sinabi ni Gillego na ang El Niño ay isang paulit-ulit na phenomenon na dapat paghandaan lalo pa’t kabilang pa rin ang lalawigan ng Sorsogon sa tinatawag na “moderately vulnerable” na tinamaan ng El Niño ngayong taon," pahayg ni Gillego.
Ayon sa kanya, maliban sa suliraning maaaring idulot ng El Niño, ang pagbabago ng panahon sa kasalukuyan ay nararamdaman na rin dito lalo pa’t ilang mga lugar-sakahan na rin ang pinapasok na ng tubig-alat partikular na ang mga Barangay ng Abuyog at Gimaloto na kapwa nasa lungsod ng Sorsogon.
Kaugnay nito, patuloy ding tumutulong sa mga magsasaka ang Regional Field Unit ng Department of Agriculture lao na sa pagbibigay ng mga alternatibong aksyon at istratehiyang pangsakahan upang makaangkop ang mga magsasaka sa pagbabago ng panahon.
"Nakikipagkawing din ang DA sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng National Irrigation Adminstration, Bureau of Soils at Bureau of Plant Industry sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay at pagbibigay dagdag-kaalaman sa mga magsasaka," ayon pa sa opisyal.
"Tanging ang buong-pusong kooperasyon na lamang mula sa mga magsasaka ang kanilang hinihiling," dagdag pa niya. (Bennie A. Recebido, PIA SOrsogon)
No comments:
Post a Comment