Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (May 5) – Pinawi ni SMARTMATIC Regions Management Unit Head Sonia Lariosa ang mga agam-agam ng iilan ukol sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga aberya na may kinalaman sa mga gagamiting Precinct Count Optical Scan o PCOS machine sa araw ng halalan.
Ayon kay Lariosa, kumpleto na ang mga gagamiting paraphernalia at handa na rin ang kanilang mga tauhan at ang anim na raan siyamnapu’t dalawang makina para sa Lunes. Ang bawat makina ay may kasamang charger at ekstrang baterya na maaaring tumagal ng hanggang labing-anim na oras.
Tiniyak din niyang kung sakaling hindi rin talaga maiiwasang magkaroon ng aberya ay may mga itinalaga na silang stand-by supervisors at technicians upang agad na rumisponde.
Muli niyang ipinaalala na naging matagumpay din ang ginawang simulation testing kung saan tested and proven nila na kayang itransmit ang mga election returns sa mga destinasyon nito nang maayos.
"Limang pamamaraan ang maaring gamitin sa pagpadala ng resulta ng halalan: ito ay ang Broadband Global Area Network o BGAN transmittal system, USB o modem transmittal system, ang Very Small Aperture Terminal o VSAT, landline at network transmittal system," ayon sa kanya.
"Sa lalawigan ng Sorsogon, ang VSAT, USB at BGAN transmittal procedures ang epektibong gamitin," pahayag pa ni Lariosa.
Sinabi din niya na ang makina na rin ang magpapadala o magtatransmit ng election returns sa tatlong pre-configured servers na kinabibilangan ng municipal server, comelec backup server at isa pang server para sa mga media at iba pang concerned parties.
"Hindi konektado sa anumang network ang makina habang patuloy pa ang botohan. Kakabitan lamang ito ng modem para sa transmission kapag nabilang na ng makina ang mga boto at muling tatanggalin ang network connection matapos na maipadala na sa tatlong configured servers ang election result," dagdag pa niya.
Tiwala ang SMARTMATIC at ang Commission on Election (Comelec) na magiging maayos din at matagumpay ang gagawing election dry-run sa darating na Byernes, ika-pito ng Mayo at maging ang halalan sa darating na Lunes. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment