Wednesday, June 9, 2010

MGA KABATAAN SA SORSOGON NAGHAYAG NG PAKIKIISA SA KAMPANYA TUNGO SA KAPAYAPAAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 9) – Naging makabuluhan at nagbunga ng positibong resulta ang isinagawang Peace Youth Camp noong nakaraang linggo dito sa lungsod ng Sorsogon sa pangunguna ng Sulong CARHRIHL Youth Network Bicol sa pakikipag-ugnayan nito sa Provincial Alliance of NGOs and POs for Development (PANGOPOD), Inc.

Ayon kay Bicol CARHRIHL Youth Network Steering Committee Chair Melvin E. Demdam, nagpapasalamat sila sa mga organizers ng nasabing Youth Camp dahilan sa pagbibigay oportunidad sa mga kabataang tulad nila na maunawaan ang programang CAHRIHL o Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na isinusulong ng pamahalaan.

Bilang tugon sa programang pangkapayapaan na ito ng pamahalaan, isinama ng mga kabataan sa kanilang action plan ang pagbuo din ng Provincial CARHRIHL Youth Network dito sa Sorsogon upang magsilbing tagapagtaguyod sa local level ng respeto sa karapatang pantao at pagtupad sa alituntunin ng International Humanitarian Law bilang mga pamamaraan sa pagtamo ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Ang Sulong CARHRIHL Youth Network ay ang opisyal na katuwang ng Sulong CARHRIHL na kinabibilangan ng mga youth organizations mula sa iba’t-ibang mga komunidad at unibersidad sa bansa.

Nais din nitong ipaalam at ipaunawa sa kabataan ang kanilang kontribusyon at mga hakbang na dapat gawin ng mga tulad nila sakaling maharap sila sa sitwasyon ng kaguluhan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment