Thursday, July 22, 2010

KOMITIBANG MAGPAPAIGTING SA KAMPANYA NG ANTI-CHILD LABOR BUBUUIN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Sa pagpapaigting pa ng kampanya ng pamahalaan laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga bata, inilahad ng Department of Labor and Employment Sorsogon Field Office ang kanilang hakbang sa pagbuo ng Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee at ng Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team.

Ayon kay DOLE Provincial Field Offier Imelda Romanillos, bagama’t hindi naman gaanong nakakalarma ang mga kaso ng child labor dito sa lalawigan ng Sorsogon kumpara sa ibang lalawigan sa bansa, dapat pa rin diumanong pigilan ng mas maaga ang posibilidad ng pagdami nito.

Binigyang-diin din niyang hindi rin dapat na ipagsawalang-bahala ang presensya ng ilang mga bata sa lansangan na makikitang nag-aalok ng iba’t-ibang uri ng serbisyo kapalit ng kaunting halaga o di kaya’y pagkain.

Sa isinagawang orientation briefing ng DOLE Sorsogon kamakailan, nilinaw ng DOLE sa mga ahensyang makakatuwang nito ang kani-kanilang papel na gagampanan bilang mga katuwang sa pagpapatupad ng anti-child labor crusade sa lalawigan.

Sinabi ni Romanillos na mahalagang nabibigyan din ng tamang edukasyon ang mga magulang nang sa gayon ay maiwasan ang posibilidad ng pag-aabuso, eksplotasyon at deskriminasyon sa mga bata.

Kabilang sa mga mahahalagang ahensyang makakatuwang ng DOLE ay ang PNP, NBI, DSWD, DOJ, DepEd, PIA, DA, DOH, PCG, Ports Authority, Traffic Administration, mga Local Government Units at non-government organizations dito.

Ipinaliwanag din ni Romanillos na ang bubuuing Inter-Agency Anti-Child Labor Committee ang siyang magtatakda ng mga prayoridad at programa, tutukoy sa mga pangangailangan at suliranin ng mga nagtatrabahong mga bata at siya ring bubuo ng mga plano at magpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang matigil ang anumang uri ng anti-child labor practices sa lalawigan.

Habang ang Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team ang bibigyang kapangyarihan upang magsagawa ng surveillance at buy-bust operations sa mga suspetsado. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment