Tuesday, August 10, 2010

COMPUTER VAN ARALAN NAGDAOS NG GRADUATION CEREMONIES; 295 MAG-AARAL NAKAPAGTAPOS

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 10) – Naghayag ng malaking pasasalamat ang dalawangdaan siyamnapu’t limang mag-aaral na napabilang sa mga mapapalad na grumadweyt nitong nakaraang Sabado, August 7, sa computer van aralan ng Sorsogon City.

Ang computer van aralan ay isa sa mga component program ng Linang Dunong o Literacy program ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Sorsogon na naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa Ai-Hu Foundation, Inc., isang non-profit, non-government organization na tumutulong sa mga pangangailangan ng isang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng accessible education, skills training at values formation.

Ayon kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, halos tatlong linggo din ang ginugol at isinakripisyong panahon ng mga mag-aaral na kinabibilangan ng mga professional, out of school youth, may asawa, mga kabataan, uniformed men tulad ng mga pulis at maging yaong mga tindera sa palengke na nagnanais ding makakuha ng sertipikasyon at maiangat ang kanilang kaalaman partikular sa larangan ng computer literacy.

Ayon naman kay Marian Ara, isa sa mga nakapagtapos sa van aralan, malaking tulong sa kanyang paghahanap ng trabaho ang nakuha niyang kaalaman dito sapagkat nakatitiyak siya na kaya na niyang makipagsabayan sa competitive work demand hindi lamang dito kundi maging sa labas man ng bansa.

Samantala, dahilan sa kagandahang naidudulot ng programa at sa kahilingan na rin ng mga residente ng lungsod, muling binuksan ang rehistrasyon ngayong araw para sa iba pang mga mag-aaral na nagnanais makakuha ng de-kalidad na edukasyon. (Bennie A. recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment