Friday, August 6, 2010

FLEXI-TIME PROGRAM SA CITY GOVERNMENT IPINATUTUPAD

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Ipinatupad na ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon City ang kanilang flexi-time o ang six-day, no noon-time break service program sa pitong departamento ng city government simula noong Lunes, August 2.

Ayon kay City Administrator Ireneo Manaois, nais ng pamahalaang panlungsod na mas mapalawak at higit na gawing mabilis at epektibo ang ibinibigay na serbisyo ng kanilang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubukas ng ilang mga frontline desks ng city government sa oras ng lunch break at maging sa araw ng Sabado.

Kabilang sa mga ito ay ang mga tanggapan ng local civil registrar, assesor, zoning, permit and lincenses, veterinary, agriculture at ang treasurer’s office.

Sinabi ni Manaois na sa pamamagitan ng flexi-time service program ngayon ng pamahalaang panlungsod ay makatitiyak ang kanilang mga kliyente partikular yaong mga week-day workers na maibibigay sa kanila ang serbisyong kinakailangan nila mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng hapon, Lunes hanggang Sabado.

Tiniyak din ni Manaois na walang karagdagang gastos sa kaban ng city governemnt ang bagong programang ito sapagkat may special arrangement na ang mga empleyado at hepe ng mga concerned departments at ipinalabas na rin ang memorandum para sa kanilang shifting schedule, two-additional hour service a day at one additional day a week, habang ipapatupad naman sa mga department heads ang 24/7 service basis kung kinakailangan.

Para sa serbisyong ilalaan sa araw ng Sabado, wala din aniyang sasaguting overtime pay ng mga empleyado ang city government sapagkat sa halip na gawin nila ang kanilang Saturday-Sunday regular off ay pinapili na rin ang mga ito kung anong araw sa loob ng linggo nila balak mag-off.

Sinabi rin ni Manaois na bukas ang tanggapan ni Sorsogon City mayor Leovic Dioneda sa anumang mga rekomendasyon at komento ukol sa bagong kalakarang ito at maging sa iba pang mga programang ipinatutupad ng city government. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment