Thursday, August 12, 2010

KASO NG DENGUE SA SORSOGON NAKAPAGTALA NG ISANG PATAY

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 11)– Isa ang namatay at dalawa ang kasalukuyang naka-confine sa magkahiwalay na ospital dyan sa lalawigan ng Albay dahilan sa pagkakasakit ng dengue sa bayan ng Donsol, Sorsogon, nito lamang nakalipas na araw.

Sampung taong gulang ang biktimang namatay habang ang dalawang nakaconfine ay may edad namang labing-dalawa at limang taon na pawang mula sa Brgy. Poblacion ng Donsol.

Sa isang mensaheng ipinadala ni Donsol Vice Mayor Junjun Belmonte, nagsagawa noong Lunes ang Sangguniang Bayan at RHU-Donsol sa pangunguna ni Municipal Health Officer Dr. Owen De guzman ng isang joint meeting kasama ang local PNP, brgy. Poblacion school head, brgy. officials, local executive secretary at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na direktang involved dito.

Pinag-usapan sa pulong ang pagpapatupad ng kanilang contingency measure upang hindi na lumala pa ang sitwasyon ng dengue sa bayan ng Donsol at maiwasang mauwi ito sa dengue outbreak.

Noong Martes ay isinagawa din ang massive information drive sa pamamagitan ng pagpapaikot ng PNP patrol unit car at pag-aanunsyo naman ng mga RHU personnel ng mga mahahalagang impormasyon at pag-iingat laban sa sakit na dengue.

Sinimulan naman kaninang umaga ang simultaneous clean-up drive sa mga kapaligiran ng Poblacion kasama na ang mga kalapit barangay nito, ang brgy. Ogod at brgy. Dancalan.

Samantala, nakaalerto na rin ang Provincial Health Office dito at mahigpit na pinag-iingat ang mga residente hindi lamang sa bayan ng Donsol kundi maging sa lahat ng panig ng lalawigan lalo pa’t may ilang mga ulat na rin ng dengue cases sa iba pang mga bayan dito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment