Friday, August 27, 2010

RED TIDE UPDATES

Tagalog News

SORSOGON CITY – Patuloy pa ring ipinatutupad dito sa lalawigan ng Sorsogon ang total shellfish ban kung saan ipinagbabawal ang pagkuha, pagbibyahe, pagbebenta at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish na makukuha mula sa Sorsogon Bay.

Sa ipinalabas na Shellfish Bulletin No. 20 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)na may petsang August 20, 2010, mataas pa rin ang toxicity level ng red tide sa Sorsogon Bay sa Sorsogon City, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Matarinao Bay sa eastern Samar, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental.

Positibo na rin sa red tide toxin ang Honda Bay sa Puerto Princesa City sa Palawan at ang Carigara Bay sa Leyte.

Kaugnay nito, pinag-iingat pa rin ng BFAR ang publiko laban sa paralytic shellfish poisoning dahilan sa pagiging positibo pa rin sa red tide toxin ng Sorsogon Bay.

Inihayag naman ni BFAR Sorsogon OIC Provincial Fishery Officer Gil Ramos na isinasailalim na rin nila sa regular sampling ang baloko habang totally banned na rin ang badoy na galing sa look ng Sorsogon.

Matatandaang dati ay pinapayagang ibenta at kainin ang baloko at badoy subalit dapat na sumailalim muna ito sa pagsusuri ng BFAR, ngunit matapos ang muling pagtaas ng toxicity level ng red tide sa Sorsogon Bay nito lamang Agosto at pagkakabiktima ng isang pamilya sa bayan ng Casiguran, Sorsogon, ay tuluyan na ring ipinagbawal ang mga lamang-dagat na ito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment