Tuesday, August 17, 2010

TOTAL BAN NG SHELLFISH SA SORSOGON NAKATAAS PA RIN

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Nananatiling positibo sa red tide toxin ang Katubigan ng Sorsogon Bay kung kaya’t mahigpit pa ring ipinatutupad ang shellfish ban sa buong lalawigan.

Sa naging pahayag ni Francisco Dollesin, marine biologist ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Sorsogon, sinabi niyang positibo pa rin sa presensya ng pyrodinium bahamense ang mga katubigan at laman ng mga shellfish sa lahat ng lugar na sakop ng Sorsogon Bay base na rin sa mga isinasagawa nilang meat and water sampling.

Sinabi din niya na total shellfish ban pa rin ang ipinatutupad sa lalawigan. subalit nilinaw niyang nagbibigay sila ng permit to harvest, transport and sell sa badoy pero kinakailangang dumaan pa rin sa kanilang pagsusuri ang mga badoy ikakalakal.

Aniya, gumagawa sila ng daily analysis sa mga sample ng badoy na nakukuha nila sa Sorsogon Bay at ipinalalabas nila ang resulta nito sa kanilang local bulletin.

Samantala, sa pinakahuling resulta naman ng kanilang meat and water sampling, nananatiling sa Casiguran pa rin ang may pinakamataas na toxicity level kung saan nakapagtala ito ng 131 microgram per 100 gram of shellfish meat, higit na mataas kumpara sa 60 microgram na tolerable limit.

Habang sa water sample naman, lumalabas na sa Casiguran area pa rin ang may pinakamataas na toxicity level ng red tide kung saan mahigit 2000 microgram naman ang presensya ng pyrodinium bahamense partikular sa mga lugar ng Brgy. Ponong at Brgy. Boton.

Kaugnay nito mahigpit pa rin ang babala ng BFAR sa mga residente na mag-ingat sa Paralytic Shellfish Poisoning. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment