Tagalog News
SORSOGON PROVINCE – Inihayag ng pamunuan ng National Food Authority Sorsogon na handa silang magpasiyasat upang patunayan na walang nabubulok na bigas sa kanilang bodega.
Ito ang mariing sinabi ni NFA Provincial Manager Edna De Guzman sa gitna ng kabi-kabilang lumalabas na mga ulat na maraming bodega ng NFA sa bansa ang may mga inuuod at nabubulok na mga istak ng bigas.
Ayon kay De Guzman, handa silang silang sumailalim sa anumang uri ng imbestigasyon upang mapatunayan na walang ilegalidad at manipulasyon sa bigas na nagaganap sa lalawigan.
Inihayag din niya na naidispose nila sa tamang panahon ang lahat ng mga dumating na bigas dito, at mula 2008 hanggang sa kasalukuyan ay wala silang mga ulat o reklamong natanggap mula sa mga konsumidor na nakakuha sila ng mga nabubulok o di kaya’y may amoy na bigas mula sa NFA Sorsogon.
Tiniyak din niya na sapat ang nakaimbak na bigas sa kanilang bodega upang tustusan ang pangangailangan ng mga Sorsoganon hanggang sa susunod na buwan sa kabila ng pagpasok na ng tag-ulan.
Matatandaang sa unang State of the Nation Address ng Pangulong Benigno Aquino ay isiniwalat nito ang ginawang labis na pag-aangkat at pag-iimbak ng bigas sa mga bodega ng NFA, subalit tiniyak ni DeGuzman na hindi kabilang ang NFA Sorsogon sa mga may nabubulok na imbak ng bigas sa mga warehouse.
Matatandaan ding sa paliwanag ni Dir. Edgar Bentulan ng NFA Bicol, sinabi nitong wala sa kamay ng NFA ang pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa, bagkus ay dumadaan ito sa isang inter-agency committee kung saan kasapi ang NFA.
Tinatasa ito ng NFA council sa pamumuno ng Department of Agriculture bilang chairman. At ang final approval ay nasa kamay ng mga economic managers na binubuo ng cabinet secretaries. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment