Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE – Bilang bahagi ng pagpapatupad ng balakin ng Pangulong Benigno Aquino III na mabigyan ang lahat ng mga Pilipino ng akses sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa loob ng tatlong taon, isinagawa dito sa lalawigan ng Sorsogon noong Martes ang isang araw na oryentasyon at organizational meeting ukol sa nakatakdang Nationwide Philhealth Registration Day sa darating na Oct. 2, 2010.
Ayon kay Jindra Mingoy, Philhealth Bicol focal person for Sorsogon, marami pang mga mahihirap na mamamayan at mga nasa informal sector ang hindi pa maka-akses sa mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan dahilan na rin sa kakulangan ng kamalayan ng publiko ukol sa tamang pamamaraan at proseso ng pag-aplay bilang kasapi ng Philhealth.
Aniya, sa pamamagitan ng programang ito ng Pangulo, mas malaki ngayon ang tsansang masagutan ang kakulangang ito.
Ayon pa sa kanya, inaasahang dito sa lalawigan ng Sorsogon ay aabot sa 40, 726 na mga mahihirap ang dadagsa sa Sorsogon Provincial Gymnasium sa Oct. 2 upang magpa-enrol.
Ang nasabing mga Philhealth enrollees ay natukoy sa pamamagitan ng isinagawang National Household Targeting System – Proxy means test (NHTS-PMT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan ilang mga enumerators din ang kumuha ng datos sa mga kabahayan.
Sa pamamagitan ng isang makina ay tinasa ang mga datos na nakalap upang matukoy nito kung sino nga ang totoong mahihirap na mga pamilyang kwalipikado upang magpaenrol sa indigent membership program ng Philhealth.
Samantala, bilang suporta naman sa programa, gumawa ang PIA Sorsogon ng canned radio plug na ipinamahagi sa mga local media dito upang maipaabot sa publiko ang hakbanging ito ng pamahalaan.
Naging katuwang naman ng Philhealth at DOH ang DILG sa pagpagalaw sa mga local chief executives upang tuluyan nang mai-enrol ang mga kwalipikadong sasapi sa kani-kanilang mga lugar, habang tumulong naman ang DepEd sa pagsagawa ng Information Education Campaign sa mga magulang sa pamamagitan ng kanilang Parent-Teachers Association upang hikayatin ang mga ito na mag-enrol at maging miyembro ng Philhealth. (Bbennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment