Monday, September 13, 2010

PAGTATAYO NG WINDMILL SA BAYAN NG PTO. DIAZ MASUSI PANG PINAG-AARALAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (September 13) – Malaki ang pag-asa ni Pto. Diaz ex-mayor at ngayon ay Sangguniang Panlalawigan member Benito Doma na matutuloy ang ipinapanukalang pagtatayo ng wind mill sa bayan ng Pto. Diaz, Sorsogon.

Sa panayam kay Doma, sinabi nitong ayon sa ilang mga ekspertong Hapon na una nang bumisita noong siya pa ang alkalde dito, ang lokasyon diumano ng maliit na bayan ng Prieto Diaz na nakaharap sa karagatang Pasipiko ay maaaring paglagyan ng wind mill tulad ng makikita sa Batanes at Ilocos.

Kaugnay nito, ilang mga eksperto ang muling bumalik sa Pto. Diaz nito lamang buwan ng Marso, Abril at Hunyo ng kasalukuyang taon upang ipagpatuloy ang ginagawang masusing pag-aaral kaugnay ng bilis at lakas ng hangin sa loob ng isang taon, nang sa gayon ay matukoy kung kaya nga nitong makapagpatakbo ng mga elising makalilikha ng sapat na elektrisidad pangkomersyal.

Inaasahang ngayong buwan ng Setyembre ay maipapadala na diumano sa kanila ang resulta ng isinagawang pag-aaral, at kung sakaling mapapatunayang maaaring pagtayuan ito ng windmill ay sisimulan na rin ang pagganyak ng mga imbestor na mamumuhunan para sa proyekto.

Ayon pa kay Doma, sakaling maisakatuparan ito, makakabenepisyo ng higit na mababang halaga ng elektrisidad ang mga residente dito, maging ang mga kalapit-bayan nito.

Magiging dagdag atraksyon din aniya ito sa mga turista na tiyak na makatutulong upang mapalago pa ang lokal na ekonomiya ng Prieto Diaz at maging ng lalawigan ng Sorsogon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment