Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE – Umani ng positibong reaksyon dito sa lalawigan ang ulat ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa 100 araw nito sa tungkulin.
Ayon kay Fernando Duran, dating alkalde ng Sorsogon, magandang nabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng iba’t-ibang sector na makapagpahayag ng kanilang mga katanungan kung saan maayos at komprehensibong nasagot naman ito ng Pangulo.
Aniya, maaaring hindi agarang mabubura sa isipan ng publiko ang ilang mga pagkakamali sa kanyang pamamahala, subalit nagdadala pa rin si Pangulong Aquino malaking pag-asa sa sambayanan.
Ayon naman kay Lilian Alice Lopez, chairperson ng Compassion Philippines 468 at Vice Chair ng Sorsogon Provincial Agriculture and Fisheries Council, ang pangunguna at kaseryosohan ng Pangulo tungo sa daang matuwid ang nakikita ngayon ng sambayanang Pilipino kung kaya't mataas ang kanyang trust rating.
Ito din aniya, ang nakikita ngayon ng mga grant-giving entities kung kaya't pinagkatiwalaan siya ng mga karagdagang pondo, pamumuhunan, at trabaho.
Dagdag pa ni Lopez na makakatulong kung titigilan na ang paghahambing sa nakaraang administrasyon, ngayong nakita na ang kakayahan ng kasaluyang administrasyon.
Ayon naman sa ilang mga obserbador dito, naibigan nila ang paraan ng pag-uulat ng Pangulo sapagkat naging malinaw at malawak ito dahil na rin sa partisipasyon ng iba-ibang sector hindi lang sa bansa kundi sa partisipasyon na rin ng mga overseas Filipino workers.
Anila, kahit wala sila sa aktwal na lugar ng pangyayari, damang-dama nila ang pagiging malapit ng Pangulo sa sambayanan at ang pagnanais nitong maisaayos ang sistema ng pamahalaan tungo sa daang matuwid at tuluyan nang matuldukan ang kahirapan sa bansa. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment