Friday, October 8, 2010

PAGKAKATALAGA NG BAGONG PANGULO NG GSIS NAGBIGAY NG PAG-ASA SA MGA KASAPI NITO

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Malaki ang pag-asa at tiwala ng mga Sorsoganon na maisasaayos na ang sistema ng Government Service Insurance System o GSIS sa ilalim ng administrasyong P-Noy.

Sa isinagawang informal text pulsing ng PIA Sorsogon sa pakikipag-ugnayan nito sa ilang mga local media anchors dito, lumalabas na malaki ang pag-asa ng mga manggagawa sa pamahalaan at mga pensioners dito sa lalawigan na matutugunan na ang ilang mga suliraning kinahaharap nila sa kanilang mga transaksyon sa GSIS matapos na magtalaga ng bagong GSIS president si Pangulong Benigno Aquino III.

Matatandaang ilang mga kasapi nito ang pinaghinaan na ng loob na magreklamo pa matapos na hindi diumano maaksyunan ng GSIS ang ilang mga suliraning idinulog nila tulad ng pagkakaantala ng mga pensyon, delayed posting ng mga kontribusyon, updating ng mga members’ data at marami pang ibang mga pagbabago sa sistema ng GSIS na hanggang sa kasalukuyan ay hindi malinaw sa mga kasapi nito.

Matatandaang itinalaga ni Pangulong Aquino si Robert Vergara bilang bagong presidente ng GSIS kapalit ni Winston Garcia na nanilbihan sa GSIS sa loob ng Arroyo administration.

Umaasa naman ang mga kasapi dito ng GSIS na higit nang mapapangalagaan ngayon ang kanilang kapakanan at seguridad sa ilalim ng pamamahala ni Vergara. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment