Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 4) – Nais magpasalamat ni Bureau of Internal Revenue Sorsogon District Officer Arturo Abenoja, Jr. sa mga Sorsoganon dahilan sa suportang ipinapakita nito sa larangan ng tax remittances.
Ayon kay Abenoja, sa nakalipas na ilang mga taon, wala silang naitatalang mga major cases ng tax evasion dito sa lalawigan.
Subalit hindi rin ikinaila ni Abenoja na may ilang mga negosyante at employers na nadedelay sa kanilang mga tax remittances ngunit nilinaw niyang hindi sila mga tax evaders sapagkat nababayaran pa rin ng mga ito ang kanilang obligasyon sa BIR nang hindi na nangangailangan pang padaanin sa mahabang proseso.
Samantala, mas pinagaganda pa ngayon ng BIR Sorsogon ang kanilang e-registry system upang higit pang mapabilis ang kanilang serbisyo sa kanilang mga kliyente.
Sinabi ni Abenoja na sa katunayan ay humingi na rin sila ng karagdagang computer units upang mayroon silang ekslusibong magagamit para sa kanilang electronic registry system kung saan mas madali nilang natutukoy ang mga transaksyong idinudulog sa kanila.
Inihayag din niyang sa kabila ng kakulangan nila sa staff, maayos pa ring naipatutupad ng kanilang tanggapan ang kanilang serbisyo partikular sa larangan ng tax collection.
Aniya dati ay mayroon silang 45 staff, subalit matapos ipatupad ang rationalization program ay naging 35 na lamang ito. Ang mga nagsipagretiro naman ay hindi na rin napalitan pa ng mga bagong empleyado dahilan sa freeze hiring program na ipinatupad ng pamahalaan.
Subalit, umaasa pa rin ang opisyal na hindi maglalaon ay madaragdagan pa ng labinglima ang kanilang staff nang sa gayon ay magkaroon ng tig-iisang tax collectors ang bawat bayan ng Sorsogon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment