Monday, November 8, 2010

MGA APEKTADONG RESIDENTE NG MT. BULUSAN BUMALIK NA SA KANILANG TAHANAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Nov. 8)– Kasunod ng naitalang pagsabog ng Mt. Bulusan noong Sabado, tatlumpong mga residente mula sa anim na pamilya ang nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan dala ng pagkatakot at bilang paghanda na rin sa biglaang pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan.

Ang mga residente ay mula sa mga Barangay ng Inlagadian, Gimaloto, San Juan, San Antonio, Tigbao, San Isidro at Mabini sa bayan ng Casiguran.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Management Office Head Boy Lopez, kinumpirma sa kanila ng Casiguran Municipal Health Office (MHO) na may mga nagsilikas ngang mga residente subalit agad namang nakabalik ang mga ito sa kanilang tahanan matapos na bigyan ng MHO ng kaukulang health assistance ang mga ito.

Sinabi din ni Lopez na “not necessarily affected” ang mga ito kundi ang paglikas ay dala lamang ng pagkatakot at kahandaan.

Samantala, noong lingo ay namahagi naman ang Provincial Health Office sa mga MHO ng apektadong bayan ng mga mask at iba pang health supplies na handang ipamahagi sa mga residente sakaling lumala ang sitwasyon.

Sinabi pa ni Lopez na may mga nakatalaga na ring tauhan ang PDRRMC 24/7 upang subaybayan ang mga kaganapan kaugnay ng sitwasyon.

Nakaantabay din sa lugar ang mga tauhan ng Philippine Army, PNP at Red Cross upang tumulong. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment