Thursday, November 11, 2010

MT. BULUSAN UPDATES

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 11) – Labingpitong volcanic earthquakes ang naitala ng Phivolcs kaninang madaling araw. Nasa 135 tonelada naman ng sulfuric dioxide ang iniluwa nito kung kaya’t nananatili ang abiso ng Phivolcs sa publiko na mag-ingat at iwasan ang paglapit sa itinalagang 4-km Permanent Danger Zone kahit pa nasa alert level 1 pa lamang ang estado ng bulkan.

Dumating din ngayon dito sa Sorsogon si Phivolcs Director Renato Solidum upang makipagpulong sa Regional at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council kaugnay ng mga paghahanda at aksyong ginagawa nito kaugnay ng aktibidad ng Mt. Bulusan.

Sa ulat na ibinigay ni Dir. Bernardo Alejandro IV, Chairman ng Regional DRRMC kay Dir. Solidum, sinabi nito ang kasalukuyang kalagayan ng mga apektadong lugar sa palibot ng bulkan.

Sinabi din niyang inaaksyunan na ng RDRRMC ang mga nawawalang kagamitan ng Phivolcs. Inatasan na rin nila ang Department of Tourism na maglabas ng advisory na suspended muna ang tourism activity sa mga apektadong lugar at inaaksyunan na rin nila ang posibilidad ng mga maapektuhang sakahan at kabuhayan ng mga residente.

Ayon naman kay PDRRMC head Jose Lopez, wala namang suspension of classes na ipinatupad sa mga apektadong lugar sapagkat manageable padiumano ang sitwasyon sa mga paaralan at agad namang nalilinis ang mga abong pumapasok sa mga silid-aralan.

Phivolcs Aerial Survey

Kanina, bandang nueve umaga ay nagsagawa ng aerial survey ang Phivolcs upang malaman ang kondisyon ng Mt. Bulusan at matiyak din ang dami ng abo na ibinuga nito.

Ayon kay Dir. Solidum, base sa isinagawang aerial survey, nasa mababang lebel pa lamang ang aktibidad ng bulkan ngayon. Dahilan diumano sa patuloy na pag-uulan nitong mga nakaraang araw at pagkakaipon ng tubig sa loob ng bunganga ng bulkan kung kaya’t nagkaroon ng mga steam-driven ash explosions.

“Subalit kahit na nasa mababang lebel ito, dapat na mayroon nang contingency plan sa lahat ng concerned level upang mapaghandaan ang malalaking aktibidad nito sa mga darating na araw,” ayon pa kay Solidum.

Mahalaga din aniya ang community participation lalo na pagdating sa paglilikas at pagdala sa kanila sa ligtas na lugar.

Aniya, ang kaganapan ngayon ay naganap na rin noong 2006 at 2007.

Nagbigay din siya ng mga mahahalagang tips na dapat gawin sakaling nagkakaroon ng aktibidad ang Mt. Bulusan.

Government Intervention

Kahapon ay nagsagawa ng road flushing ang Irosin Bureau of Fire Protection sa Brgy. Cogon at Mombon sa Irosin partikular sa Maharlika Hi-way dahil sa makapal na abo sa kalsada at patuloy pa ring nakaantabay ito sakaling muling magkaroon ng panibagong aktibidad ang bulkan.

Sa panig naman ng Department of Environment and Natural Resources, kasama si LGU-PENR Officer Maribeth Fruto ay nagsagawa kahapon ang Environment and Management Bureau ng air samplings sa Brgy. Gulang-gulang sa Irosin at Brgy. Añog at Inlagadian sa bayan ng Juban at inaasahang bukas ay ilalabas ang resulta nito.

Samantala, inihayag naman ni Casiguran Mayor Hamor na kailangan nila ng nebulizer, dust masks at mga food stuff para sa mga apektadong residente doon.

Sa ngayon ay mayroon pa ring mga evacuees sa mga itinalagang evacuation centers sa Casiguran na nananatiling sa gabi lamang nasa evacuation sites at umuuwi din sa kanilang mga tahanan araw. (Bennie A. Rece bido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment