Friday, November 12, 2010

MT. BULUSAN UPDATES

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Matapos ang halos ay tatlong araw na pananahimik, muli na namang nagbuga ng abo ang bulkang Bulusan bandang alas-sais singkwenta y nueve kaninang umaga. Tinatayang nasa 700 metro ang taas nito mula sa bunganga ng bulkan at tinutumbok ang direksyong SouthWest kung saan apektadong muli ang mga bayan ng Juban at Irosin.

Ayon sa Phivolcs, inaasahan na nilang magbubuga pa ito ng mas maraming abo base na rin sa aerial inspection na ginawa nila kahapon at nangangamba din ang Phivolcs sa panganib na maaaring dalhin ng mga abo sa kalusugan, kung kaya’t mahigpit pa rin ang abiso nito sa publiko na mag-ingat at huwag pumasok sa itinalagang 4-km permanent danger zone kahit pa nga nananatiling nasa alert level 1 pa rin ang estado ng bulkan.

Samantala, sa aerial inspection na isinagawa kahapon sa pangunguna ni Phivolcs Dir. Renato Solidum, sinabi nilang wala pa silang nakikitang indikasyon ng major eruption subalit nakita nila diumano ang indikasyong magpapatuloy pa ang ash explosions ng Mt. Bulusan.

Inihayag din nilang ang dating dalawang bunganga ng bulkan na nabuo sa mga naganap na pagsabog noong 2006 at 2007 ay naging isa na lamang ngayon matapos ang ilang mga pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan nitong mga nakalipas na araw.

Sa briefing naman kahapon, muling binigyang-diin ni Regional Disaster Risk Reduction Management Council Director Bernardo Alejandro IV ang kahalagahan ng 1-2-3 Contingency Plan for zero casualty na dapat ipatupad sa mga apektadong munisipalidad.

Una ay ang mahigpit na pagpapatupad ng 4-KM Permanent Danger Zone, ibig sabihin: no eco-tourism activities, no livelihood activities at no settlers within the PDZ. Pangalawa ay ang Continuous Education Campaign tulad ng regular na pagpapalabas ng mga health advisories, pagkakaroon ng malinaw na papel ng bawat ahensya at pag-update ng datos ng populasyong lantad sa mga panganib; at Pangatlo ay ang Responsive Contingency Plan na aniya’y dapat na ready at all levels at community based.

Samantala, kasama ng DPWH 2nd district engineering office sa pangunguna ni OIC District Engr. Romeo Cielo, binisita kahapon ni Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos ang mga apektadong lugar ng Mt. Bulusan explosion partikular sa Brgy. Cogon, Tinampo at Mombon sa bayan ng Irosin kung saan namahagi si Ramos ng mga dust masks dito. Matatandaan ding una na rito ay nagpadala na rin ng rice assistance si Ramos para sa mga apektado ng ash explosion.

Sa resulta naman ng ginawang assessment ng DPWH, sinabi ni Distrist Engr. Cielo na sa kasalukuyan ay wala pa silang nakikitang mga suliranin sa kalsada na dapat aksyunan ng DPWH, subalit tiniyak nito na handa ang mga kagamitan ng kanilang tanggapan sakaling kailanganin ito.

Matatandaang bumisita na rin sa mga apektadong lugar ang Asst. Regional Director ng DPWH region V upang makita ang mga posibleng hakbang na dapat gawin partikular sa Rangas at Cogon gully sakaling kailanganin ang tulong ng DPWH.

Pinaghahandaan na rin ng DPWH 2nd ang pagragasa naman ng mga nakaimbak na volcanic materials sakaling magkaroon ng malalakas na pag-uulan.

Sa panig naman ng kalusugan, sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na inaasahan na nila ang paglabas ng mga sakit tulad ng asthma, eye irritation, sipon at ubo sa ganitong sitwasyon kung kaya’t mahigpit nilang tinututukan ang kalusugan ng mga apektadong residente.

Ayon kay Garcia, nakipag-ugnayan na ang PHO sa mga LGU-health officials at may mga nakastand-by na rin silang health personnel na titingin sa kalusugan ng mga residente at maging sa tamang paggamit ng mga comfort rooms sa mga evacuation sites.

Nilinaw din niya na ang mga dust masks na ipinadala nila ay tempory protection lamang kung kaya’t pinayuhan ang mga residente na gumamit ng basang bimpo.

Nanawagan din siya sa mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad.

Aniya, inatasan na rin niya ang lahat ng ospital sa Sorsogon na magpatupad ng cold-white alert. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment