Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 15)– Ipinalabas na noong Biyernes ng provincial government of Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Environment and Natural Resources ang resulta ng air samplings na ginawa ng DENR-Environmental Management Bureau at ng PENRO-LGU sa Brgy. Gulang-Gulang sa Irosin at Brgy. Añog sa Juban at Brgy. Inlagadian sa Casiguran noong nakaraang Miyerkules, Nov. 10.
Sa resulta, lumabas na mayroong Total Suspended Particulates o TSP na umaabot sa 300 microgram per Normal Cubic Meter ang Brgy. Gulang-Gulang sa Irosin. Nangangahulugan itong ang uri ng hangin ay mapanganib sa kalusugan ng mga sensitibong grupo tulad ng mga may hika, bata, matatanda, buntis at may mahihinang pangangatawan.
Subalit, lumabas naman sa resulta ng pagsusuri sa Casiguran at Juban na mababa ang TSP level ng hangin doon kung saan nangangahulugan itong normal at hindi apektado ng abo ng bulkan ang hangin doon.
Sa ipinalabas namang Health Situation Update No. 6 ng Joint Health Command Post ilan sa mga suliraning nakita nila sa mga evacuation sites ay ang pagkabara ng ilang mga pipelines particular sa Escuala Elementary School at kakulangan ng mga palikuran doon na maaaring magamit ng mga evacuees.
Subalit nilinaw nilang ito ay naiulat na sa local na pamahalaan at inaaksyunan na ngayon ng municipal engineering office.
No significant damage naman ang lumabas sa ulat na ipinalabas ng Office of the Provincial Agriculture ukol sa ginawa nilang agriculture and fisheries assessment sa mga apektadong Barangay sa Juban, Casiguran at Irosin sa unang pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan noong Nov. 6.
Nananatiling nakastand-by din ang kanilang assessment team sakaling kailanganin pa rin ito.
Kahapon ay may mga naitalang pag-agos ng lahar deposits sa ilang mga ilog subalit hindi wala naman itong naitalang epekto sa mga residente doon.
Sa nakalipas na 24-oras ay nananatili namang tahimik ang Mt. Bulusan, subalit mahigpit pa rin ang abiso ng Phivolcs sa publiko na huwag papasok sa itinalagang 4-km Permanent Danger Zone at pinag-iiwas pa rin ang publiko sa pagpunta sa mga ilog na malalapit sa paanan ng bulkan lalo pa’t pabigla-bigla ay bumubuhos ang ulan dito. (Bennie Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment