Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 22) – Inihayag ng Juban Engineering Office na mas kailangang pagtuunan ng pansin ang kasalukuyang dredging operations dito dahil sa posibleng pagragasa ng lahar mula sa Ranggas River. Nanganganib anilang masira ang mga pananim kung hindi ito bibigyan ng kaukulang aksyon.
Tinatawag ang Ranggas River na “bottleneck” dahilan sa dito naiipon ang inaanod na lahar mula sa iba’t ibang ilog na tumutuloy sa mga palayan sa paanan ng bulkan.
Matatandaang una nang sinabi ng Phivolcs na ang bayan ng Juban ang siyang dinaraanan ng pinakamalaking porsiyento ng lahar galing sa Bulkang Bulusan.
Ganito din ang naging pahayag ng Engineering Office sa bayan ng Irosin kung saan may ilang mga nakaharang na malalaking bato at depositong lahar na dapat maalis sa ilang mga lugar at ilog doon.
Ayon sa Irosin at Juban MDRRMC, kaugnay ng bagong aktibidad ng bulkan, nakaamba ang panganib ng pagragasa ng lahar sa kanilang lugar lalo kung magkakaroon ng mga pagbuhos ng ulan kung kayat dapat na pagtuunan ng agarang aksyon ang dredging activities dito.
Subalit napag-alamang hindi umano makakilos sa ngayon ang engineering office ng Juban dahil nga sa wala itong magamit na malaking back-hoe machine. Habang ang Irosin ay wala ding magamit dahilan sa nasira at dapat kumpunihin muna bago maipagpatuloy ang ginagawa nilang dredging operations
Payo naman ng Provincial Disaster Risk Management Office, gumawa kaagad ng isang resolusyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Juban at irosin, at sa tulong ng DPHW 2nd district ay ipararating nila ito sa regional level upang matulungan sila sa kanilang hinaing ukol sa kanilang dredging operations.
Samantala, ayon naman sa Casiguran MDRRMC, wala silang gaanong suliranin sa panganib dala ng lahar. Kung lumala man diumano ang sitwasyon, posibleng tatamaan nito ang Burgos River. Subalit mayroon na silang contingency plan para dito.
Noong nakaraang 2006, higit sa walong mga barangay ang lubhang naapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan sa Casiguran ngunit sa kasalukuyang pag-aalburuto ng bukan, halos dalawang barangay lang nila ang naapektuhan nito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon/Von Labalan, PIO)
No comments:
Post a Comment