Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 2) – Naging matiwasay sa kabuuuan ang naging selebrasyon ng Undas dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Ito ang naging pagtataya ng Sorsogon Police Provincial Office matapos na walang maitalang anumang untoward incidences kaugnay ng pagbisita ng mga mahal sa buhay ng mga namayapa na sa iba’t-ibang mga sementeryo sa buong lalawigan.
Sa naging obserbasyon natin, hindi rin napigilan ng malakas na pag-uulan ang pagdagsa ng mga tao partikular sa tatlong malalaking sementeryo dito subalit halatang mas mababa ito kumpara sa bilang ng mga taong dumagsa kaysa noong nakaraang taon.
Mas inagahan din ng ating mga kababayan dito ang naging pagbisita nila sa mga sementeryo dito dahilan na rin sa pag-aalalang abutan sila ng malalakas pang pag-uulan.
Ilang mga nitso ang nalubog din sa baha partikular sa Bacon at sa Sorsogon City Catholic Cemetery kung kaya’t nahirapan din ang ilan na lapitan pa ang mga nitso upang makapag-alay ng mga bulaklak at makapagsindi ng kandila.
Ilang grupo din ang nagkasundong magsagawa na lamang ng unified prayers alay sa mga namayapa nilang kaanak na napabilang ang mga nitso sa nalubog sa baha.
Samantala, mas mababa din kaysa sa nakalipas na taon ang bilang ng mga pasaherong dumagsa sa mga pantalan dito at maging sa mga terminal ng bus lalo yaong galing sa Maynila.
Sa bahagi naman ng peace and order, nakakalat din ang mga unipormadong mga awtoridad hanggang ngayong araw at mahigpit ang ginagawang pagsubaybay ng mga ito upang mamantini ang kapayapaan, kaayusan at seguridad ng publiko dahilan upang mapigilan ang mga nagnanais na makagawa ng anumang uri ng krimen at pananamantala. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment