Tagalog News
SORSOGON CITY – Sa isinagawang Focus Group Discussion on Mt. Bulusan Preparedness Response and Relief kamakailan dito, muling binigyang-diin ng mga opisyal ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan ang tamang kahandaan ng mga local na komunidad.
Ayon kay Office of Civil Defense regional director Raffy Alejandro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng contingency plan at kung papaanong masusustinihan ang pangangalaga sa mga evacuees at ang pagkakaroon ng tinatawag na “long-term intervention” pati na rin ang pagtatalaga ng permanent relocation site sa tinatawag na population at risk.
Sinabi naman ni DSWD regional director Remia Tapispisan na kailangan din matukoy kung saan maaaring ilikas o kaya’y mailipat yaong kabilang sa population at risk upang makagawa na rin sila ng kaukulang aksyon at rekomendasyon.
Binigyang-diin naman ni Brig Gen Marlou Salazar ng 9ID Phil. Army na ang tamang pagbibigay sa mga kasapi ng PDRRMC ng tama at napapanahong datos ay osang pamamaraan upang mapadali ang pagresponde ng bawat sangay ng pamahalaan sa mga panahong may emergency.
Sa pamamagitan naman ng pag-aanalisa ng kasalukuyang kalagayan ng PDRRMC at ng MDRRMC ng Juban, Casiguran at Irosin, binigyang-pansin ni DILG regional Director Blandino Maceda ang pagkakaroon ng madaliang planning management training kung saan tutukuyin ang flow of coordination, facilitation at harmonizing efforts nang sa gayon ay mapalakas ang kakayahan ng mga kasapi ng PDRRMC.
Sa pangunguna ni provincial management office Executive Director Sally Lee, pinasalamatan ng provincial LGU ang patuloy na pagbibigay alalay ng OCD 5, DILG, DSWD, AFp at iba pang ahensya pati na rin ang aksyong ginagawa ng PDRRMC at mga MDRRMC ng Juban, Irosin at Casiguran. (Irma A. Guhit, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment