Thursday, December 23, 2010

HINDI MAPAGKAKATIWALAANG SERBISYO NG KURYENTE AT INTERNET PROVIDERS INIREREKLAMO NG MGA NEGOSYANTE AT EMPLEYADO

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Nakakasakit na rin sa tenga ang paulit-ulit na mga reklamong naririnig mula sa mga negosyante at ng mga empleyado dito, pampubliko man o pampribado, ukol sa madalas na pagkakaroon ng mga power service interruptions na ayon sa maraming mga negosyante dito ay lubhang nakakaapekto sa kanilang negosyo at nakapagbababa din ng moral ng mga negosyanteng nais mamuhunan dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Maging ang mga kawani ay nagrereklamo din dahilan sa maraming trabahong nabibinbin sanhi ng hindi mapagkakatiwalaang power service na ang ilan ay announced habang ang iba ay mga unannounced interruptions maliban pa sa nakakasira ito ng mga kagamitan.

Base sa monitoring ng PIA Sorsogon, nito lamang nakaraang buwan ng Oktubre at Nobyembre ay nakapagtala ng mahigit sa labingwalong beses na pagpatay ng kuryente kung saan kadalasan dito ay apat hanggang siyam na oras ang itinatagal.

Ayon naman sa mga kawani, maliban sa perwisyong dala ng mga power service interruptions, malaking perwisyo din ang mahina at hindi mapagkakatiwalaang serbisyo ng mga network providers. Partikular na pinangalanan nila ang Bayantel, Digitel at SMARTBRO na kadalasang kung hindi man paputol-putol ay walang serbisyong ibinibigay.

Tulad na lamang ng Bayantel na ayon pa sa isang source na tumanggi nang magpakilala, ay umaabot na ng halos ay tatlong buwan na hindi pa rin nakapagbibigay ng maayos na serbisyo.

Kaugnay nito nanawagan ang mga negosyante at kawani ng mga tanggapan na isaayos na ito sa lalong madaling panahon at isaalang-alang ang mga ibinabayad ng kanilang mga customer. Hinamon din nila ang mga ito na kung hindi rin lamang makapagbibigay ng magandang serbisyo ay magsara na lamang upang mas mabigyan ng pagkakataon ang ibang mga mamumuhunan na makapasok dito sa lalawigan.

Pinuri din ng mga ito ang resolusyong isinusulong ni Sorsogon City Councilor Victorino Daria ukol sa pagpapataw ng penalidad sa Sorsogon II Electric Cooperative sakaling mapatunayan ang kanilang negligence at liability sa mga nangyayaring trip-offs at unannounced power service interruptions. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment