Tagalog News
SORSOGON PROVINCE – Ipinalabas ng Sorsogon Police Provincial Office ang listahan ng mga firecrackers at mga pyrotechnic devices na maaaring gawin, ipagbili, ipamahagi at gamitin ngayong pasko at sa pagsalubong sa darating na bagong taon.
Sa press release ng SPPO, ang mga sumusunod na mga firecrackers at pyrotechnic devices lamang ang pinapayagan alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 7183. Sa mga firecrackers:
1. Baby Rocket – firecracker na mayroong stick na aabot lamang sa labindalawang pulgada na pumuputok paitaas.
2. Bawang – firecracker na mas malaki sa trianggulo na may 1/3 kutsaritang pulburang inilagay sa cardboard, korteng bawang na tinalian sa palibot.
3. Small Trianggulo – firecracker na hugis tatsulok o triangle na mas kaunti ang pulbura kaysa sa bawang at nakabalot sa ¾ pulgadang brown na papel.
4. Pulling of String – firecracker na hugis tubong aabot sa ¼ pulgada at may binubunot na sinulid sa magkabilang dulo bago ito pumutok.
5. Paper caps – paputok na may kaunting pulbura na inilagay sa manipis na papel na ginagamit sa mga laruang baril.
6. El Diablo – paputok na hugis tubong may mitsa na may sukat na 1 1/4 pulgada, tinatawag din itong rebentador.
7. Watusi – kulay pulang kahugis ng tingting na may 1 ½ pulgadang haba at ikiniskis upang pumutok.
8. Judah’s Belt – pinagdugtong-dugtong na mga firecrackers tulad ng el diablo at maliit na trianggulo at sunud-sunod na pumuputok na tulad ng bawang.
9. Sky Rocket (kwitis) – malking baby rocket na umaabot sa apatnapu hanggang limampung talampakan paitaas bago pumutok.
Sa mga Pyrotechnic Devices, pinapayagan naman ang mga sumusunod:
1. Sparklers – pyrotechnic device na may pulbura sa wire o sa parang tubong papel na umiilaw kapag sinisindihan.
2. Lusis – iba’t-ibang mga sparklers.
3. Fountain – sparkler na hugis apa na umiilaw ng iba’t-ibang kulay kapag sinisindihan.
4. Regular at special Jumbo – malaking fountain.
5. Mabuhay – tinaliang mga sparklers.
6. Roman Candle – kahalintulad ng fountain subalit hugis kansila ito.
7. Trompillo – pyrotechnic device na may tali sa gitna, umiikot at nagkakaroon ng iba’t-ibang kulay habang pumapaitaas.
8. Airwolf – hugis eroplanong may elise na pumapaitaas mula apatnapu hanggang limampung talampakan kapag nasisindihan at naglalabas ng ng iba’t-ibang kulay ng ilaw habang pumapaitaas.
9. Whistle Device – na kapag nasisindihan ay pumipito muna bago pumutok.
10.Butterfly – hugis paru-parong pyrotechnic device na pumapaitaas habang umilaw-ilaw.
Ang mga paputok na kunsideradong mapanganib sa buhay at maaaring makasira sa katawan ng tao ay ang ”atomic big trianggulo” at ”super lolo” kung kaya’t ipinagbabawal ito sa mga tindahan ng paputok.
Inabisuhan din ng SPPO ang mga nais magtinda ng mga paputok ay dapat na kumuha ng lisensya at business permit sa PNP chief sa pamamagitan ng Police Provincial Director na sumasakop sa lugar kung saan sila maglalagay ng kanilang tindahan ng paputok.
Bawal namang maglagay ang mga lisensyadong tagabenta ng mga paputok na aabot sa 25 kilos sa kanilang tindahan. Dapat mayroon silang bodegang iimbakan ng sobra nilang paninda na kukunin lamang kung ito ay kinakailangan.
Dapat ding isakay ang mga paputok sa pribadong sasakyan kung ibabyahe ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbabyahe nito sa mga pampasadang bus at jeep.
Kailangan ding ilagay ng mga gumagawa ng paputok ang kanilang pangalan at address at dapat na may nakatatak ditong ”DO NOT LIGHT IN HAND”. Kunsideradong ilegal ang mga paputok kung wala nito at kukumpiskahin din ito ng mga awtoridad. Maging ang importation ng m ga paputok ay ipinagbabawal din.
Ayon naman kay Police Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit, ang PNP ang may kapangyarihang kumumpiska ng mga ilegal na paputok na dadalhin ng mga ito sa bodega ng Fire and Explosive Division para sa kaukulang disposisyon.
Ang mga mahuhuling ilegal na nagtitinda ng paputok ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P30,000 o makukulong ng anim na buwan hanggang isang taon. Kakanselahin din ang kanyang lisensya at business permit pati na rin ang mga nakaimbak pa nilang mga paputok. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon/SPPO)
No comments:
Post a Comment