Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Dec. 9) – Nanawagan sa publiko si Sorsogon Postal District Manager Emma Borrero hindi lamang ngayong panahon ng kapaskuhan kundi sa lahat ng panahong magpapadala sa pamamagitan ng koreo, na tiyaking nailalagay ang tamang address ng sinumang padadalhan ng kanilang mga sulat o cargo.
Ayon kay Borrero, karamihan sa mga suliraning kinakaharap nila sa post office ay ang hindi malinaw o maling pagkakasulat ng pangalan ng mga addressee, mali o di kaya’y mahirap matuntong mga address kung kaya’t kadalasan ay hindi nadedeliver, return to sender o kaya’y nagkakaroon ng pagkaantala sa mga postal deliveries.
Tiniyak din ni Borrero sa publiko na napapangalagaan nila ang mga itinitiwala sa kanilang sulat at cargo at mahihirapan din aniyang makalusot ang mga mapanakot, mapanggulo at mapanirang mga padala.
Sinabi din niyang lahat ng mga sulat ay subject to inspection upon posting at hindi rin nila diumano tinatanggap ang mga cargong selyado.
Nilinaw din niyang walang direct dispatch ng sulat ang central post office sa Sorsogon kung kaya’t lahat ng sulat ay dumadaan sa mail distribution center sa Legazpi City Post Office.
Samantala, mariin ding sinabi ni Borrero na hindi sila nababahala sa pagdating ng mga makabagong teknolohiya, sapagkat sa kasalukuyan ay hindi pa naman aniya consummated ng mga modern technology ang buong kapuluan at maging ang buong mundo, dahilan sa may mga lugar pa rin na walang signal o walang akses, maliban pa sa mga limitasyon ng mga makabagong kagamitang ito.
Hinikayat din niya ang publiko na patuloy pa ring tangkilikin ang mga post offices sa bansa sapagkat higit na mas napapahalagahan, naitatago at nababalik-balikan ng mga indibidwal ang mga sulat na idinadaan sa koreo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment