Monday, December 20, 2010

TOURISM OFFICERS MULA SA IBA’T-IBANG BAYAN NG SORSOGON NAGPULONG


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Nagpulong kamakailan ang lahat ng mga tourism officers mula sa iba’t ibang bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Cris Racelis.

Ayon kay Racelis, tinukoy sa pulong ng mga tourism officers ng bawat munisipalidad ang mga lugar sa kanilang kinasasakupan na mayroong potensyal, gayundin yaong mga kilala na bilang tourist destinations upang mas lalo pang pag-sikapang umunlad ang turismo sa lalawigan.

Kasabay din ng ipinakita nilang tourism profile sa ginawang pagpupulong ay ang pag-ulat ng tungkol sa mga aktibidad sa kani-kanilang mga lugar na may kaugnayan sa turismo at mga produktong tanging sa kani-kanilang bayan lamang matatagpuan na maaaring ipagmalaki at balik-balikan ng mga turista.

Matatandaang una na rito ay naging bisita ng Sorsogon ang mga masteral students mula sa U.P. College of Architecture kung saan binuo ng mga ito sa limang cluster zones ang lahat ng mga munisipalidad sa lalawigan upang pag-aralan particular yaong mga aktibidad na may kaugnayan sa turismo at upang magpaabot na rin ng kanilang tulong sa mga napiling lugar sa pamamagitan ng infrastructure improvement.

Ang pagbisita ay bahagi ng mga pagsisikap ni former Sorsogon governor  Sally Lee, kasama ang mga lokal na pamahalaang bayan ng Donsol at Bulusan at ng Sorsogon City at sa tulong din nina Senator Francis “Chiz” Escudero, Congressman Sonny Escudero, Loida Nicolas at Provincial Tourism Council Chairperson Mely Nicolas.

Bago nilisan ng mga U.P. architects ang lalawigan ng Sorsogon ay Ibinahagi pa ng mga ito ang naging resulta ng kanilang ginawang pag-aaral, partikular ang mapa ng limang cluster zones, upang ang mga ito na anila ang magpatuloy sa kanilang misyon na mapalago pa ang turismo sa Sorsogon.

Kaugnay nito, sinabi ni Racelis na pinagplanuhan na rin sa ginawang pulong ng mga tourism officers ang magigingb mga hakbang para sa susunod na taon at tinukoy na rin ang kailangang tulong mula sa provincial government. (Von Labalan-PIO/ PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment