Wednesday, January 26, 2011

MAHIGIT P40M DANYOS SA AGRIKULTURA NAITALA NG OPA SORSOGON


SORSOGON PROVINCE – Umabot sa P40,739,672 ang halaga ng mga binhi ng palay na napinsala sa lalawigan ng Sorsogon dahilan sa walang tigil na pag-ulan na nagdulot naman ng mga pagbaha.

Ito ang ipinalabas na ulat ng Office of the Provincial Agriculture kung saan walong munisipyo ang nasalanta kabilang na ang Bulan na may pinakamataas na napinsalang mga pananim na umaabot sa P20,579,405.

Sumunod dito ang mga bayan ng Pilar, Castilla, Barcelona, Matnog, Juban at Bulusan, habang ang Sta. Magdalena naman    ang may pinakamababang pinsala na umaabot lamang sa P126,060 ang halaga.

Ayon sa isinumiteng validated report ng emergency response team sa OPA ng bawat munisipyo, may kabuuang 2,994.81 ektarya ng palayan ang mga nasira. 1,933.49 ektarya naman ang may tsansa pang mailigtas habang ang iba naman ay wala nang tsansa pang makarecover.

Ayon kay Assistant Provincial Agriculturist Ma. Teresa Destura, 3,420 na magsasaka ang apektado ng walang tigil na pag-uulan. Subalit sinabi ni Destura na matutulungan pa rin nila ang mga magsasaka sa pamamagitan ng kanilang rehabilitation program.

Aniya, magbibigay ng full seed subsidy ang Department of Agriculture sa mga magsasakang nakaranas ng total damage sa kanilang pananim. Nagkakahalaga ng P1,200 ang binhi o ”certified seeds” na ipamimigay ng DA.

Para naman sa mga bahagyang napinsala, kalahati lamang ang ibibigay na subsidy sa mga ito.

Nilinaw ni Destura na kinakailangang kasama sa ’Masterlist of farmers Affected’  ang magsasakang nais makabenipisyo sa subsidy.

Dagdag pa ni Destura na malaking tulong na rin ito upang muling makapagsimula ang mga naapektuhang magsasaka. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment