Thursday, January 20, 2011

PRODUKSYON NG PALAY SA SORSOGON INAASAHANG BABABA NGAYONG TAON


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (January 20) – Inaasahang bababa ang produksyon ng palay ngayong taon ayon sa pagtatasa ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS).

Ayon kay Agricultural Statistics Officer Benilda Estremera, nasa 7,642 ektarya ang nataniman ng mga magsasaka sa buong lalawigan noong Nobyembre at Disyembre 2010 na aanihin ngayong Marso, subalit dahilan sa naging mga pag-uulan, tiyak na bababa ang magiging produksyon nito.

Ngayong buwan ng Enero, 8,321 ektarya naman ang dapat na mataniman at aanihin ngayong Abril subalit karamihan sa mga naitanim na ay nalubog sa baha o di kaya’y natabunan na ng mga putik.

Sinabi ni Estremera na sa paglilibot na ginawa ng kanyang mga tauhan, nakita nilang halos lahat ng mga bayan dito ay apektado subalit wala pang konkreto at pinal na datos na mailalabas ang kanilang tanggapan kaugnay ng halaga ng danyos dahilan sa halos lahat ay mga inisyal na ulat pa lamang mula sa mga municipal agriculturists.

Ayon pa kay Estremera, nasa stage pa rin ng berepikasyon o validation ang mga ulat na naisumite na sa kanilang tanggapan. Ngunit tiniyak naman nito na anumang oras na maisapinal na nila ang mga datos ay agad naman nilang ilalabas ito upang malaman ng publiko. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment