SORSOGON PROVINCE (Jan. 6) – Sa kabila ng mga naging pag-uulan dito simula nang pumasok ang bagong taon, nagpapasalamat pa rin ang mga residente at maging ang mga awtoridad dito na walang naitatalang untoward incidences kaugnay ng mga pag-uulang ito.
Sa monitoring ng PIA, tatlong barangay sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon ang nakaranas ng pagtaas ng tubig sa mga kalsadang malapit sa Rangas River, subalit wala namang residenteng direktang naapektuhan nito. Wala ding mga evacuees sa mga evacuation sites na naitala dito.
Ayon sa ilang action officers ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils dito, ang mga flood-prone barangays sa kani-kanilang mga lugar hanggang sa mga oras na ito ay nananatiling ligtas at manageable pa rin.
Kanina ay nagsagawa naman ng pagpupulong ang MDRRC ng Irosin at ayon kay Ghie Martinez ang Municipal Social Welfare and Development Officer doon, walang naitatalang apektadong kabuhayan
Ayon naman sa ilang mga magsasaka, bagama’t nalulungkot sila sa pagkakababad sa tubig ng kanilang mga pananim at posibilidad ng pagkalugi sa darating na anihan, naihanda na rin nila ang kanilang mga sarili sa ganitong pangyayari.
Samantala, kahit pa tiniyak na ng mga kinauukulan dito na nabigyan na nila ng kaukulang edukasyon ang mga opisyal ng barangay at mga residente ditto, patuloy pa rin ang kanilang paalala at koordinasyon sa mga barangay DRRMC ukol sa tamang paghahanda sa mga panahong tulad nito.
Nagbigay din si PIA Sorsogon Information Center Manager Irma Guhit sa publiko sa pamamagitan ng radyo ng mga kaukulang impormasyon ukol sa La Niña, mudflows, landslide at mga pagbaha maging ang tamang paghahanda at evacuation procedures upang maiwasan ang pagkasira ng buhay at ari-arian sa panahong nagkakaroon ng patuloy na mga pag-uulan lalo pa’t ayon sa PAGASA ay magtatagal pa ang ganitong uri ng panahon hanggang sa Mayo ngayong taon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment