Wednesday, February 2, 2011

tagalog News Release

MASBATE, MAYROONG PINAKAMATAAS NA BILANG NG MGA NAGHIHIKAHOS NA PAMILYA

Sorsogon City - ANG Masbate ang mayroong pinakamataas na bilang ng mga naghihikahos na pamilya sa anim na mga lalawigan sa Kabikolan batay sa survey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), patunay ang pangunguna nito sa mga benepisaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) na mas kilala bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Napagalaman kay Agnes M. Mayor, Information Officer ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, DSWD Bicol na base sa record ng kanilang ahensya sa kasalukuyang buwan ng Enero 2011, ang Masbate ang mayroong 73,221 na mga benepisaryo, kasunod ang Camarines Sur na siyang may pinakamalaking populasyon sa Bicol, na mayroong 25,534.

Samantala, ang iba pang mga lalawigan na mayroong mga benepisaryong nakakatanggap ng kaukulang tulong mula sa naturang programa ng pamahalaan ay ang Sorsogon 24,132; Albay 11,869; Camarines Norte 4,380; at ang Catanduanes 1,387.

Ayon kay Mayor, sa ngayon ay aabot na sa 65 mga munisipalidad sa Bicol ang nabibiyayaan ng 4Ps, subalit hindi pa umano nakukumpleto ang lahat ng bayan sa anim na mga lalawigan sa rehiyon na may kabuuang 140,523 na mga benepisaryo.

Ang DSWD Bicol na pinamumunuan ni Regional Director Remia T. Tapispisan ay mayroon pang 152,000 na target nito hanggang sa buwan ng Disyembre 2011, para mabuo ang lahat ng mga munisipalidad sa anim na mga lalawigan sa Region 5. (Von Labalan-PIO)

No comments:

Post a Comment