Alay Lakad para sa mga batang espesyal, isasagawa
By: Francisco B. Tumalad Jr.
Sorsogon City, (PIA) – “All About Love…” ito ang tema ng isasagawang Alay Lakad sa darating na ika-lima ng Marso para sa mga batang espesyal dito sa lungsod ng Sorsogon.
Pangungunahan ang Alay Lakad Project para sa mga batang espesyal ng DWOL-FM station sa pakikipagkawing nito sa Department of Education Sorsogon City Schools Division at sa Sorsogon East Central School.
Ayon kay DWOL-FM station manager Robert Garcia, naplantsa na nila ang kaukulang mga paghahanda upang maisakatuparan ito sa tulong na rin nina City Schools Division Superintendent Virgilio S. Real at Sorsogon East Central School Head Virginia Diaz.
Ayon kay Garcia, ang aktibidad ay alay ng DWOL- Padaba station sa mga special children na nag-aaral sa Sorsogon East Central School upang ipaalam sa lahat ng mga Sorsoganon na dapat na igalang ang mga batang may espesyal na pangangailangan, pag-aralin,tulungan bagkus na kutyain o pagtawanan sapagkat sila man ay mayroon ding mga karapatang dapat na ipaglaban at protektahan.
Magsisimula ang alay lakad sa ganap ng alas otso ng umaga sa Plaza Bonifacio at iikot siyam na kilometro patungong Bacon District, lungsod ng Sorsogon.
Nanawagan din si Garcia sa mga nais tumulong sa mga batang ito na makipag-ugnayan lamang sa Padaba Station.
Ang perang malilikom mula sa suporta ng mga lalahok ay mapupunta sa pagbili ng mga libro, upuan at visual aids na kailangan ng tatlong seksyon ng mga mag-aaral sa Sorsogon East Central School Special Education Center. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment