Thursday, February 24, 2011

Tagalog News Release


25th anniversary ng 1986 EDSA people power ginugunita sa Sorsogon
Ni: Bennie A. Recebido
       
Sorsogon City, (PIA) – Nakikiisa ang sambayanan ng Sorsogon sa ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng EDSA People Power na naganap noong 1986.

Una nang sinimulan ng Philippine National Police Sorsogon Provincial Office ang pagsasagawa ng aktibidad kaugnay nito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punung-kahoy.

Ayon kay PNP Provincial Director PSSupt Heriberto Olitoquit, limampung mga puno ng pili ang naitanim sa palibot ng loob ng Camp Salvador Escudero, Sr. dito sa lungsod, noong Martes, February 22.

Magkakaroon din aniya sila ng espesyal flag raising ceremony bukas na kadalasan ay tuwing araw ng Lunes amang nila ginagawa.

Nakaalerto din hindi lamang ang PNP kundi maging ang AFP upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa ginagawang paggunitang ito.

Ilang mga paaralan din dito ang magsasagawa ng tree planting activity kung saan ni-require nila ang mga graduating students nila sa high school upang magtanim ng mga punung-kahoy.

Sa St. Louise de Marillac College of Sorsogon lamang ay inaasahang siyamnapung mga mag-aaral ang lalahok sa half-day tree planting activity na gagawin sa Brgy. Macabog, lungsod ng Sorsogon habang ang ibang mga paaralan naman ay sa mga kabundukan ng Sorsogon magtatanim.

May mga school clubs at organization din na nakatakdang magsagawa ng community apostolate.

Nakikiisa din ang mga istasyon ng radyo dito sa lungsod ng Sorsogon sa paggunita ng 1986 EDSA people power revolution sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng mga awitin at pagsasaere ng mga pahayag na magpapaalala sa mapayapang rebolusyong ito.

Samantala, ilang mga progresibong grupo din ang naghahanda para sa isang martsa bukas ng umaga. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment