Thursday, March 10, 2011

Balogo Sports Complex isasailalim sa rehabilitasyon


Tagalog News Release 
 
Sorsogon City, March 9, (PIA) – Inihahanda na ngayon ng Department of Education Sorsogon Schools Division ang isang panukala na isusumite nito kay Sorsogon Governor Raul Lee na magsasaayos ng Balogo Sports Complex dito sa lungsod ng Sorsogon upang magamit na ito dalawang taon mula ngayon para sa mga palarong idadaos dito.

Sa panayam kay Assistant Schools Division Superintendent Danilo Despi, inamin nitong walang sapat na kahandaan at angkop na mga pasilidad ang lalawigan ng Sorsogon sakaling mapagpasiyahang dito isagawa sa mga susunod na pagkakataon ang Palarong Bicol na nilalahukan ng ng mga manlalarong estudyante mula sa iba’t ibang mga paaralan sa buong rehiyon.

Sinabi pa ni Despi na bagama’t malawak ang Balogo Sports Complex ng Sorsogon City kung ikukumpara sa ibang lugar kung saan ginanap na ang Palarong Bikol, ay kailangan pa ng puspusang pagsasaayos nito at kaukulang tulong mula sa lokal na pamahalaan upang sa gayon ay palagi itong nakahanda sa mga manlalaro at lahat ng uri ng mga paligsahan.

Dagdag pa ng opisyal na kung maisasaayos ang lugar na pagsasanayan na ito ng mga manlalaro ng Sorsogon, mangibabaw ang kakayahan ng mga ito, lalong huhusay at hindi na mahuhuli sa mga palaro.

Matatandaang sa pangkalahatang resulta ng Palarong Bicol na ginanap ngayong taon ay naging 7th placer lang ang lalawigan, subalit mas mataas ito kung ikukumpara sa naging resulta noong nakaraang taon na 10th placer lamang. (BARecebido/VLbalan, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment