Tuesday, March 22, 2011

“Bulusan Summit 2011” pangungunahan ng NFSL at ng Provincial at Regional DRRMC

“Bulusan Summit 2011” pangungunahan ng NFSL at ng Provincial at Regional DRRMC
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, March 21 (PIA) – Nakatakdang simulan bukas ang tatlong araw na seminar-workshop na lalahukan ng iba’t-ibang mga kinatawan mula sa mga piling local government units sa lalawigan ng Sorsogon, mga kasapi ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council at mga kinatawan mula sa iba’t-ibang mga sector sa rehiyon ng Bicol.

Tinaguriang “Bulusan Summit 2011” layunin nitong pagsama-samahin ang mga local contingency plans ng mga munisipalidad na lantad sa iba’t-ibang mga panganib dala ng Bulkang Bulusan upang mas maiayos pa ang Disaster Risk Reduction program ng lalawigan.

Ayon kay Jose Lopez, Officer-In-Charge ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office inaasahang matapos ang aktibidad ay matutukoy ng mga kalahok ang mga organisasyong agarang tumutugon at nagbibigay aksyon, pati na ang mga konsepto at kapasidad sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad pati na rin ang pagbangong muli matapos maranasan ang epekto nito.

Ayon pa kay Lopez, hindi lamang ang mga munisipalidad ng Sorsogon na apektado ng Mt. Bulusan ang manginginabang sa tatlong araw na aktibidad na ito kundi maging ang iba pang mga kalahok na sector sa buong rehiyon lalo na’t kunsiderado ang Bikol bilang “Vatican of Disasters” dahilan sa kalantaran nito sa iba’t-ibang mga uri ng kalamidad at panganib.

Ang nasabing seminar-workshop na maisasakatuparan sa pagtutulungan ng pamahalaang local ng Sorsogon at Office of Civil Defense 5 sa pakikipagtulungan nito sa Naval Forces Southern Luzon ay matatapos sa darating na Huwebes, March 24. Sa Coastal View Resort, Sto. Domingo, Albay. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment