Friday, March 4, 2011

Rehabilitasyon ng Mariculture Zones sa Sorsogon nasa proseso pa


Tagalog News Release

Rehabilitasyon ng Mariculture Zones sa Sorsogon nasa proseso pa
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, March 3, (PIA) – Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Sorsogon Field Office chief Gil Ramos na nasa proseso pa rin ang rehabilitasyon ng dalawang Mariculture Zones dito sa Sorsogon habang ang isa naman ay unti-unti nang lumalago.

Sinabi ni Ramos na matapos masira ng nagdaang bagyo ang Mariculture Zone sa Sugut Bay sa Bacon District, Sorsogon City ay nahirapan nang maibalik pa sa dati ito.

Aniya, sa tatlong Mariculture Zones tanging ang sa bayan ng Matnog lamang ang masasabing nagprosper.

Ayon kay Ramos, nakakapagharvest na ngayon ng malalaking lapu-lapu sa Matnog at pinag-aaralan na rin nila ang pagsasagawa ng investment forum para sa Matnog production.

Habang sa Magallanes naman, dahil hindi gaanong malaki ang pinsala ay napilitan na ang mga mangingisda na magshift na lamang sa seaweeds farming, ngunit dapat pa rin aniyang maisaaayos pa ito kung kaya’t on-going ang ginagawa nilang monitoring dito.

Sinabi din ni Ramos na malaki ang pinsalang idinulot ng nagdaang bagyo sa Mariculture Zone sa Sugut Bay. Aniya high-value species na sana ang nasimulan dito, ngunit naging seasonal ang naging operasyon at pag-ani dito dahilan sa kung malakas ang dagat napipilitang itigil na muna upang hindi na lalo pang makapinsala ng buhay ng tao.

Sa ngayon aniya ay inihahanda ang master plan para sa Sugut bay bago ito tuluyang isailalim sa full rehabilitation. Bagong disenyo naman aniya ng mga kulungan ng isda ang ipapakilala nila sa mga mangingisda.

Samantala, muling nanawagan si Ramos sa mga LGUs na ipatupad nito ang kanilang mandato batay sa nakasaad sa RA 7160 na bantayan ng mga ito ang katubigan nila at panatilihin ang kalinisan nito lalo pa’t isa ito sa maituturing na kayaman ng isang lugar. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment