Tuesday, March 15, 2011

Tagalog News release


Lahar, muling rumagasa sa ilang mga barangay sa Irosin, Sorsogon
Ni: BARecebido/VLabalan

Sorsogon City, March 15, (PIA) – Limampung mga pamilya o humigit kumulang sa dalawang daang mga residente ng barangay Patag ang kaagad na inilikas ng lokal na pamahalaan ng Irosin, Sorsogon kagabi bunsod ng malakas na pagbuhos ng ulan at biglaang pagragasa ng lahar sa doon.

Ito ang napag-alaman mula sa Provincial Disaster Risk Management Office kasunod ng ibinigay na ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Irosin, Sorsogon.

Ayon sa natanggap na ulat mula sa MDRRMC Irosin, pansamantalang nanatili sa barangay chapel habang ang iba naman ay sa Irosin Municipal Hall ang mga inilikas na residente. Posible umanong madagdagan pa ang bilang na ito kung hindi pa titigil ang ulan.

Ayon pa sa ulat, matapos na tumaas ang tubig mula sa mga ilog malapit sa mga kabahayan, limampu kaagad na kabahayan ang inabot nito at tatlo sa mga ito ang napinsala sanhi ng insidente.

Kaugnay nito, inalerto din agad ng MDRRMC Irosin ang mga residente ng Bliss at Mombon na naninirahan malapit sa ilog na lumikas dahil na rin sa umalagwang tubig. Mapalad na wala namang naiulat na pinsala sa mga kabahayan sa dalawang lugar na ito.

Una nang ipinagbigay-alam kagabi ng Juban MDRRMC ang posibleng pagbaha sa mga barangay na malapit sa mga ilog dulot ng malakas na pag-ulan at inalerto din sa nabanggit na bayan ang BDRRMC na gawin ang mga nararapat na paghahanda at agad na mag-ulat kung sakaling may mga residenteng kailangan nang ilikas. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment