Tuesday, April 19, 2011

Signature campaign kontra mina sa Sorsogon patuloy na umiikot

Signature campaign kontra mina sa Sorsogon patuloy na umiikot
Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

Sorsogon City, April 15 (PIA) – Patuloy pa rin hanggang sa ngayon ang pag-iikot ng papel upang mangalap ng mga pirma upang maipatigil ang mina patikular sa Matnog, Sorsogon.

Ayon kay Rev. Fr. Jeruz, kura paroko sa Holy Infant Jesus parish sa Matnog, Sorsogon patuloy na dumadami ang sumusuporta sa kanilang anti-mining signature campaign kung saan umabot na rin ito sa ibang bansa at pinaiikot pa sa ilang mga lugar bago ito tuluyang iprisinta kay Pangulong Benigno Aquino III.

Aniya, hindi lamang sa Matnog ang hinihiling nilang maipatigil kundi maging ang pagmimina sa Palawan ay isinama na rin nila.

Sinabi pa ni Jeruz na balak din nilang maglagay ng information desks sa lahat ng mga parokya sa Sorsogon upang mas dumami pa ang kanilang makalap na pirma nang sa gayon ay matigil na umano ang pang-aabuso sa likas na yaman ng bansa.

Nilinaw ng kura paroko na aminado siyang nakapagbibigay ito ng karagdagang hanapbuhay sa mga lokal na residente at hindi nila tinututulan ito. Ang tinututulan nila diumano ay ang sistema at prosesong ginagawa sa pagmimina tulad ng paggamit ng mga kemikal, pampasabog at likidong nakakasira sa mga lupain at inaanod patungo sa mga palayan at ilog na siya namang pinagkukunan ng inumin ng hayop at tao at pinagkukunan ng tubig na panggamit sa mga pang-araw-araw na gawain.

Dapat aniyang mamulat ang mga mamamayan at makita ng pamahalaan na hindi lamang ang kalikasan ang nasisira nito kundi maging ang kalusugan ng mga tao ay nalalagay din sa panganib. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment