By: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 18 (PIA) – Pursigido si Fiber Industry and Development Authority (FIDA) Provincial Head Daniel Lachica na maiangat pa ang industriya ng abaka sa lalawigan ng Sorsogon lalo na’t sa ngayon ay maganda na ang estado ng produksyon nito.
Sa panayam kay Lachica, sinabi nitong sa nakalipas na mga taon naramdaman ng mga abakaleros ang pagbaba ng halaga ng abaca fiber kung kaya’t napilitan silang itigil na ang paghabi ng abaka at magshift na lang sa ibang alternatibong hanapbuhay.
Subalit sa unang kwarter ngayong taon, inihayag ni Lachica na malaki na ang itinaas ng halaga ng abaka at nagsisimula na ring makampante ang mga abakaleros.
Aniya, kung dati ay nagkakahalaga lamang ng P15 bawat kilo dahilan sa global crisis at peste, ngayon ay umaabot na ang bilihan nito sa P39 bawat kilo.
Sa datos nila ngayon, umangat diumano ang produksyon ng abaka sa Sorsogon kung saan naungusan na nito ang lalawigan ng Albay habang nananatili naman ang lalawigan ng Catanduanes sa pangunang pwesto.
Naghayag na rin diumano ng suporta si Sorsogon 2nd district congressman Deogracias Ramos, Jr. at tiniyak nito na tutulong siyang maayos at mas lalo pang maiangat ang industriya ng abaca sa Sorsogon. Target nya aniya na matulungan particular ang Bulusan.
Umapela naman si Lachica sa mga abaca farmers na tulungan ang FIDA upang manumbalik at sustinihan ang magandang produksyon nito.
Aniya, ang mga lugar ng Bulusan, Irosin, Casiguran, Magallanes at ilang bahagi ng Matnog at Sta. Magdalena, ang ilan sa may malalaki pang bilang ng mga mapagkukunan ng abaca sa Sorsogon.
Tiniyak din niya sa mga ito na laging nakahanda ang FIDA na tulungan ang mga abakaleros na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga ito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment