Tuesday, May 31, 2011

Pagbaba ng bilang ng tourist arrival sa Donsol taliwas sa inaasahan


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 31 (PIA) – Taliwas sa inaasahan ng Department of Tourism Bicol na pagbababa ng bilang ng mga dadayong turista sa Donsol, mas tumaas pa ito ng sampung porsyento kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay DOT Bicol Regional Director Maria “Nini” Ravanilla, inaasahan nilang bababa ang bilang ng tourist arrivals ngayong taon dahilan sa nataon ang La Nina sa peak season ng Butanding, subalit taliwas ito sa kanilang inaasahan sapagkat lumabas sa datos ng Donsol Municipal Tourism Office na mas tumaas pa ng sampung porsyento ang tourist arrival mula Enero hanggang Marso pa lamang ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa analisis nila, mas natakot diumano ang mga domestic tourist sa La Nina sapagkat lumalabas din sa datos na mas marami ang foreign tourist na dumating kumpara sa mga domestic tourist. Magandang indikasyon ito diumano na patuloy na nakikilala at umaasenso ang turismo sa Donsol.

Dagdag pa ni Ravanilla na sa 21,000 na mga foreign at domestic tourist arrivals na target nila para sa Sorsogon ngayong peak season, kumpyansa diumano siyang lalagpas sila sa target lalo na’t mula Enero hanggang Marso pa lamang ay nasa 10% na ang itinaas nito kumpara sa 23,000 tourist arrival na naitala nila noong nakaraang taon.

Sinabi pa ni Ravanilla na malaki din ang ambag ng Butanding sa Donsol sa pagkakalagay ngayon ng rehiyon ng Bicol bilang pangalawa sa best tourism destinations sa bansa mula sa pansampung pwesto nito noong nakaraang taon. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment