Wednesday, May 4, 2011

Project Initiation Program ng WFP gagawin sa susunod na linggo


Project Initiation Program ng WFP gagawin sa susunod na linggo
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 4 (PIA) – Inanyayahan ng World Food Programme-Philippines (WFP) ang Provincial Disaster Risk Management Office ng Sorsogon sa pagbubukas ng isasagawang Project Initiation Workshop sa susunod na linggo, May 10-11, 2011 sa Asian Institute of Management.

Sa isang sulat na ipinadala ni Stephen L. Anderson, country director at kinatawan ng tanggapan ng WFP, dalawang araw na Project Initiation Program ang magiging panimulang aktibidad ng WFP kaugnay ng pagsasakatuparan nito ng “Provisions of Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response Activities” project na babalangkas ng work plan para sa taong kasalukuyan at magpapahusay pa sa kapasidad ng pamahalaan sa national at regional level at sa mga local government unit (LGU) sa bahagi ng paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.

Partikular sa mga mahahalagang layunin ng Project Initiation Workshop ay ang sumusunod: ilatag ang mga resulta ng Capacity Needs Assessment; sumang-ayon sa konkretong hakbang sa pagsasakatuparan ng proyekto, pamamahala at pagsusuri nito; at kilalanin ang tinutumbok na target at action plan para sa national agencies at LGU.

Isasakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng WFP sa Department of Social Work and Development, Department of Interior and Local Government at Office of Civil Defense.

Nasa kabuuang walong mga musipalidad mula sa nabanggit ng mga probinsya ang makikinabang sa proyektong ito.

Matatandaang naging matagumpay ang ginawang Disaster Risk Reduction (DRR) capacity-needs assessment ng World Food Program - Earthquake and Megacities  Initiatives (WFP-EMI) sa mga bayan ng Juban at Irosin noong unang linggo ng Abril ngayong taon kung saan ang kinalabasan nito ang siyang magiging basehan sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng mga susunod pa nilang hakbang. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment